Mga laro ngayong Linggo:
(Rizal Memorial Coliseum)
1:00pm – Cignal vs Benilde
3:30pm – Savouge vs Navy
6:00pm – VNS vs Iloilo
NAGTULONG sina Brooke Van Sickle at Jonah Sabete upang itulak ang Petro Gazz Angels sa pagwalis sa Cignal HD Spikers 25-19, 27-25, 25 22 at angkinin ang gintong medalya sa women’s division ng 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League, Biyernes ng gabi, sa Rizal Memorial Coliseum.
Umiskor ang Fil-Hawaiian na si Van Sickle ng kabuuang 20 puntos tampok ang 18 kills, at 2 blocks upang tulungan si Sabete na nagtala din ng 18 puntos na lahat sa kills upang angkinin ang titulo para sa Angels na nagawa makabawi sa nalasap nitong kabiguan sa Cignal sa eliminasyon.
“Ginawa ko lang na maibigay ko ang lahat kasi gusto ko na every game ibibigay ko ang lahat ng makakaya ko ibigay para sa team,” sabi ni Sabete. “Sobrang saya po dahil una namin na gintong medalya at marami din kaming nagawa na magagamit namin sa susunod na mga sasalihan namin,” sabi nito.
Ang gintong medalya ay una ng Petro Gazz sa isang pambansang torneo at pangatlo sa pangkalahatan matapos na unang magwagi noong 2019 Reinforced Conference at maipagtanggol ang korona noong 2022 sa propesyonal na ligang Premier Volleyball League.
Napigil din ng Petro Gazz ang limang sunod na panalo ng Cignal upang maitala ang upset na tagumpay.
Nag-ambag naman sina Remy Joy Palma at Kecelyn Galdones ng tig-7 puntos para sa Angels.
Itinanghal na Most Valuable Player (MVP) ang Filipino-Hawaiian na si Van Sickle habang naidagdag nito ang pagiging Best Outside Hitter kasama ang kakampi na si Sabete.
“It’s been an amazing week for us. We only have little time to practice and we learned a lot in the tournament. I have a really amazing experience here and it is my first time playing in this huge crowd,” sabi lamang ni Van Sickle.
Ang iba pang nag-uwi ng karangalan ay sina Aby Marano at Palma na Best Middle Blocker, Best Libero si Dawn Macandili Catindig, Best Setter si Gel Cayuna at Best Opposite Hitter si Gayle Pascual ng College of Saint Benilde.
Giinawaran naman ng Fair Play Award ang College of Saint Benilde.
(Lito Oredo)