Sa Davao del Norte, kahit hindi Mahal na Araw ay damang-dama ng mga consumer ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) ang malaking kalbaryo at pagdurusa.
Ito’y dahil matagal nang pahirap at pasakit sa buhay ang palpak pero mamahaling serbisyo nito.
Kaya naman nitong nakaraang Biyernes bago ang Semana Santa ay pinangunahan nina Davao del Norte Governor Edwin I. Jubahib at Island Garden City of Samal Mayor Al David T. Uy ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng mga consumer na tinipon ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) at nagsama-sama para hilingin sa mga kinauukulan na tuldukan na ang kanilang paghihirap.
Kabilang sa mga pasakit na matagal nang idinadaing ng mga consumer ng NORDECO ang pawala-walang kuryente. Hindi na nga maaasahan ang serbisyo sa kuryente ng NORDECO ay napakamahal pa ng kanilang singil kaya doble insulto ang kanilang hatid.
Bukod sa pangkaraniwang mamamayan ay umaaray na rin ang sektor ng pagnenegosyo dahil malaking gastusin ang pagbili at pagmamantina ng generators. Buti sana kung ang lahat ay may kakayahang bumili ng generators.
Sa mga paaralan, iyak na ang mga mag-aaral at guro dahil habang umiinit ang panahon ay lalong umiinit ang kanilang maliliit na silid-aralan kapag walang kuryente kaya tila napakahirap matuto sa ganung sitwasyon.
Ang mga nanay na napeperhuwisyo sa madalas na brownout tapos ay napakalaki ng dumarating na electric bill kada buwan kaya sino ba naman ang hindi mapapamura? Naturingan ngang may kuryente sa lugar pero kung napakadalas namang nawawala ang serbisyo nito ay tunay na nakakainit ng ulo.
Nanawagan na sina Governor Jubahib at Mayor Uy kina Presidente Bong Bong Marcos pati kay House Speaker Martin Romualdez na solusyunan na ang problema sa kuryente sa Northern Davao. Isang tunay at mabilisang solusyon ang kanilang hiling dahil hindi naman maaaring payagang manatili ang bulok na sistemang ito ng NORDECO.
Bagama’t hindi kalahok ang lahat ng apektadong mamamayan ng NorDav sa naturang pagtitipon, batid naman nating kaisa ang kanilang hangarin at nagkakatugma ang laman ng kanilang mga dasal na sana’y matuldukan na ang kalbaryong nararamdaman nila sa supply ng kuryente sa lugar.
Nangangamba tuloy ang mga taga-NorDav na maiwan sila sa pagbangon ng bansa na siyang adhikain ng Bagong Pilipinas na isinusulong ng ating Pangulong Marcos dahil laging brownout sa kanilang lugar.
Ngayong Mahal na Araw, sana’y tablan ng mga dasal ang mga taong may kapangyarihan para tuldukan ang paghihirap ng mga taga-NorDav. Sana’y mas mabilis nilang marinig ang panaghoy ng mga kunsimidong konsyumer ng NORDECO.
Sa ganitong pagkakataon na umabot na sa puntong kailangan nang ipagdasal ang problema sa NORDECO, aba nangangahulugan itong malala na ang problema. Kaya ba idinudulog na sa Pangingoong Diyos ang problema ay dahil mukhang hindi na kayang solusyunan ng mga taga-lupa? Naniniwala naman kaming nasa lupa pa ang solusyon. Kailangan lamang kalampagin ng mga opisyal ng ating bansa ang NORDECO para kumilos. O baka may iba nang solusyong mas nararapat para sa mga taga-NorDav?
Sa naturang pagtitipon, sinabi ni UFCC President ‘Ka RJ’ Javellana, Jr., “Today, may our gathering and prayers be heard to once and for all alleviate people’s burden caused by NORDECO and that a better path for recovery be paved for the people of Davao del Norte.”
Dahil ang Linggo ng Pagkabuhay ay sumisimbolo sa bagong pag-asa, tayo naman ay aasang masosolusyonan na at mawawakasan ang paghihirap ng mga electric consumer ng Northern Davao. Abangan po natin iyan.