Nakikita at nararamdaman na umano ng mga Pilipino ang mga ginagawa ng gobyerno para mabago ang kanilang buhay.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa pagtaas ng kanyang trust at performance rating na inilabas ng OCTA Research sa ikalawang quarter ng taon.
Ayon sa Pangulo, inspirasyon ito sa kanya para lalo pang pagbutihin ang trabaho at maisulong ang pagbabago sa bansa at sa buhay ng maraming Pilipino.
“It seems to be people are beginning to understand what we are trying to do, they’re beginning to feel the effects of it, and so you must continue to do more and even try to do even better — so that’s always an inspiration for me.” anang Pangulo.
Naniniwala ang Presidente na nakatulong ang kanyang pag-iikot sa mga probinsya sa pagtaas ng kanyang ratings dahil nakikita ng publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng pagsisikap upang mapagaan ang dinaranas na paghihirap ng maraming Pilipino. (Aileen Taliping)