Itutulak ng bagong kalihim ng Presidential Communications Office (PCO) ang mas maagang pag-anunsyo ng class at work suspension kapag mayroong kalamidad tulad ng bagyo at habagat.
Sa isang panayam kay PCO Acting Secretary Cesar Chavez nitong Huwebes, Setyembre 5, inihayag nito ang kanyang plano na magkaroon ng digital hotline para siguraduhing magiging maaga ang anunsyo sa suspensiyon ng klase at pasok sa trabaho bago pa man sumapit ang alas-kuwatro ng umaga.
“In that digital hotline kasama ang Office of the Executive Secretary, Office of Civil Defense, PMS, Pagasa, Office of the Presidential Communications Office, even including the Appointment Secretary and the DILG and MMDA… ang task nito, bago mag-4 ng umaga dapat may announcement na kung kinakailangan magbigay ng announcement ang Office of the President,” sabi ni Chavez sa panayam ng mga media.
Matatandaang inatasan kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno na agahan ang anunsyo kung may suspensiyon ng pasok sa mga paaralan at trabaho kapag masama ang lagay ng panahon.
Sinabi ng Pangulo na makabubuti kung malaman na kaagad ng publiko bago pa man matulog sa gabi kung may pasok o wala para alam na kung ano ang kailangang gawin kinabukasan.
Samantala, nanumpa kahapon (Setyembre 5) kay Pangulong Marcos si Chavez bilang acting secretary ng PCO mula sa pagiging Undersecretary for Railways ng Department of Transportation.
Pinalitan ni Chavez si PCO Secretary Cheloy Garafil na magiging pinuno naman ng Manila Economic Cultural Office (MECO) sa Taiwan.