Dumami ang laman ng kaban ng dolyar, ginto, at iba pang foreign currency na pinangangalagaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pumalo sa $106.9 bilyon o katumbas ng P5.99 trilyon nitong nakaraang buwan ng Agosto.
Sabi ng BSP, dumami ang laman ng kaban nito na tinatawag na gross international reserves (GIR) dahil sa kinita mula sa mga investment sa labas ng bansa.
Noong Hulyo, nasa $106.74 bilyon o P5.98 trilyon lamang ang laman ng kaban.
Binabantayan ng mga trading partner at pinagkakautangan ng Pilipinas ang GIR dahil dito nakikita ang kakayahan ng bansa na bayaran ang mga inaangkat at inuutang nito.
Ayon sa BSP, sapat ang GIR para bayaran ang halos walong buwang halaga ng mga import o bayaran ng anim na ulit lahat ng foreign debt na magma-mature sa loob ng isang taon. (Eileen Mencias)