Kumpletong dominasyon ang ginawa defending champion De La Salle University sa paggiya ni Kevin Quiambao para tudlain ang ikatlong sunod na panalo kontra Ateneo De Manila University, 74-61, sa 87th UAAP men’s basketball tournament elims nitong Linggo ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay.
Hindi na pinakawalan pa ng La Salle ang malaking kalamangan na ikinarga sa third period kasunod ng 15-4 bomba, kung saan dalawang beses iginuhit ang 20 puntos na pinakamalaking kalamangan tungo sa pagkipkip sa solong liderato sa 3-0 (won-lost) rekord.
Pumana si Quiambao ng halos triple-double na 13 points, 13 rebounds, 7 assists, at 2 steals sa mahigit 33 minutong trabaho, habang naging katuwang nito si ‘Motor’ Mike Phillips umiskor ng 13 at may 14 boards sa pagbaon sa Blue Eagles sa kulelat sa 0-3.
Tila mag-isang umangas lang sa ADMU si Shawn Tuano sa tinukang 18 markers, 6 rebs. at tig-2 assists at steals, habang patuloy na nangangapa si rookie Jared Bahay na may walong puntos lang sa 2-of-10 shooting.
Matapos makuha ang maagang 21-18 bentahe sa first period, pinalaso naman ng La Salle ang pinakamalaking kalamangan sa first half na 11-puntos sa 36-25 mula sa tres ni Quiambao, pero sumagot naman ang Blue Eagles ng 15-4 run para madala sa 40-40 ang iskor sa nalalabing 34 segundo.
Muli namang pinatunayan ni Phillips ang pagiging agresibo sa pagsalpak ng buzzer-beater tip-in para makuha ang 44-40 sa halftime.
Isang linggong makakapagpahinga ang La Salle na sunod na makakatapat ang University of the East Warriors sa darating na Linggo sa main game sa alas-6:30 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena, habang haharapin ng Ateneo ang Adamson University sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum. (Gerard Arce)