Napabilang ang Alas Pilipinas sa medyo mahirap na grupo matapos ang unang aktibidad sa isang taon na countdown sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship Philippines na nagsimula sa masigla at maningning na seremonya ng Drawing of Lots na maihahalintulad sa isang Grammy o isang Oscar sa Solaire Resort & Casino grand ballroom.
“This is for the Philippines and Filipino fans,” bigkas ni Philippine National Volleyball Federation president Ramon ‘Tats’ Suzara sa malaking audience ng International Volleyball Federation at Philippine sports officials, mga kinatawan mula sa embahada ng 32-bansa na world championships, stakeholders, athletes at coaches.
“This is for Asia,” dagdag ni Suzara, na espesyal na binanggit ang women’s world championship na iho-host naman ng Thailand sa Agosto 2025 – na mauna sa Setyembre 12-28 na men’s worlds – at world beach championship sa Australia sa 2025.
“It’s big year for Asia, and me as president of AVC,” sabi pa niya, na nahalal na pangulo ng Asian Volleyball Confederation dalawang linggo pa lang ang nakakalipas sa Bangkok. “We like to work hard on this, that Asia can do it for a world championship next year.”
“Let’s work hard and I’m very proud for the Filipinos to host this first-ever world championship for the first time,” ayon pa kay Suzara.
Nagsimula ang pagsusumikap, hindi lang para sa Local Organizing Committee (LOC) kundi lalo na para sa national men’s volleyball team.
“Pretty difficult,” suma ni Angiolino Frigoni, ang Italian head coach ng Alas Men na ang mga kredensyal ay kinabibilangan ng pag-coach sa Italy noong 1992 Barcelona at 2000 Sydney Olympics.
“It’s a big responsibility and a big challenge,” dugtong ni Frigoni habang idiniin ang kahalagahan ng Pilipinas bilang solo host at kasabay nito ay pinipilit na gumanap nang mahusay sa kampeonato.
Ang Pilipinas ay nasa Pool A kasama ang 11-time African champion na Tunisia, kasalukuyang Africa titlist at Paris Olympians Egypt at 2024 Asian championship runner-up Iran sa seremonya na dinaluhan ng LOC co-chairs na sina William Vincent Araneta Marcos at Sen. Alan Peter Cayetano, na pormal na tumanggap ng world championship Trophy mula kay FIVB General Director Fabio Azevedo. (Lito Oredo)