Mga laro sa Huwebes
(Filoil EcoOil Arena, Pasig)
3 pm – Galeries Tower vs PLDT Home Fibr
5 pm – Nxled vs Choco Mucho
Sa paggiya ni Victonara ‘Ara’ Galang, nagpadala ng mensahe ang Chery Tiggo sa mga kalaban nang mabilis na idemolis ang bagong saltang Capital1, 25-6, 25-15, 25-15, sa pagsiklab ng 8th Premier Volleyball League 2024 3rd All-Filipino Conference Martes ng gabi sa PhilSports Arena.
Pakitang gilas agad siya para tanghaling best player of the game sa kinayod na krusyal na 12 points sa likod ng 9 attacks, 2 service ace at 1 block sa pagdomina ng Crossovers sa kabubuo pa lang na Solar Spikers.
Inakbayan ng dating Open Conference champion sa maagang liderato ang Petro Gazz na winalis din sa straight sets ang newcomer ding Strong Group Athletics sa isa pang sultada sa paliga ng Sports Vision Management Group Inc.
“First game, excited lahat at masaya akong maglaro with my new teammates,” suma ni Galang, 29, mula sa Angeles City, at kinuha ng kampo pagkabuwag noong December ng F2 Logistics. “Hindi naman mahirap mag-adjust, pero marami pang kailangan gawin. Pagbubutihan ko pa at sisipigan and I’ll be more efficient sa team.”
Pakitang-gilas din si mainstay Mylene Paat na umiskor ng 11, maging si kapitana Abegail ‘Aby’ Maraño na buhat din sa Cargo Movers sa ayudang anim na puntos sa dalawang set na salang sa liga na mga napapanood sa One Sports, One Sports+, PVL official website (pvl.ph), Pilipinas Live app at sa RPTV.
Kapos ang angas para sa Capital ni top scorer Janine Navarro na may anim na puntos lang samantalang tiglima ang sinaklolo nina Patty Orendain at Sydney Niegos.
Ang olats ang magpapabangis sa Solar Spikers ni coach Rogelio ‘Roger’ Gorayeb upang paghandaan ang Farm Fresh sa Feb. 29.
(Armando Miguel Dumlao)