Ang bantang secession o pagbaklas ng Mindanao sa Pilipinas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa tulak ng administrasyon na rebisahin ang ating Konstitusyon ay tila isang bulok na basura na nilalangaw. Mabaho, nilalayuan at kinakadirihan. Bukod kay dating Speaker Pantaleon Alvarez, wala itong nakuhang suporta sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Nagdeklara ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala itong katiting na suporta sa kanilang hanay at handa nilang durugin ang banta. Gayundin ang Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG). Ang Bangsamoro Transition Government, na bunga ng laban ng secessionist na Moro Islamic Liberation Front (MILF), ay mahigpit din and pagtutol sa panawagan ni Duterte. Maging ang loyalista ni Digong sa Senado na si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay dumistansiya sa bantang secession. Hindi ako magtataka kung sa mismong Davao City, na baluarte ng mga Duterte, ang panukalang pagbaklas sa Pilipinas ay wala ring makukuhang suporta.
At bakit nga naman babaklas ang Mindanao para sa mga Duterte? Huwag ng bolahin ni Digong ang mamamayan. Ang kanyang bantang secession ay hindi reaksyon laban sa charter change kundi isang desperadong pakana para guluhin ang bansa dahil sa nalalapit nang paglabas ng arrest warrants ng International Criminal Court (ICC) sa kanya at ilan pa niyang mga kasabwat ukol sa kanilang madugong war on drugs. Parte rin ito ng palalim ng palalim na hidwaan sa pagitan ng kanyang pamilya at kampo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Abogado ba talaga si Digong? Para sa kanyang kaalaman, makatarungan lamang ang secession kung ito ay taimtim sa international law at kasaysayan, partikular sa konsepto ng right to self-determination, at pinapanawagan ng isang umuusbong at lehitimong nation-state. Eh anong nasyon o malaking teritoryo ba ng ating bansa ang nirerepresenta ni Digong? Fentanyl Republic of Duterte? Aminin na ni Duterte na ang kanyang bantang secession ay tinutulak ng kanyang desperasyon. Fake secession motivated by extreme desperation. Dahil takot na takot na siya sa oras ng kanyang paghuhukom, gagawin ni Duterte ang lahat para matakasan ang kanyang pananagutan.
At ano naman ang reaksyon ni Vice President Sara Duterte sa secessionist threat ng kanyang tatay? Wala. Tameme. Ang kanya bang pananahimik ay tanda ng kanyang pagsuporta dito? Ibig bang sabihin sinusuportahan ng pangalawang pinakamataas na pinuno ng bansa ang unconstitutional threat ng kanyang ama? Akala ko ba ay defenders of the Constitution ang mga Duterte? Eh bakit tila pipi si VP Sara sa secession threat ng kanyang tatay na maliwanag na labag sa ating Saligang Batas?
Sadyang nahuhuli ang isda sa sarili niyang bibig. Dahil sa mga ganitong pahayag ni Duterte, nailalantad ang kanyang pagiging pekeng oposisyon sa Cha-cha. Saan ka nga naman nakakita ng defender daw ng Constitution ngunit ang solusyon sa political crisis ay puro unconstitutional. Bukod sa bantang secession, unconstitutional din ang kanyang bantang military coup laban sa kampo ni BBM.
At ito ang kailangang bantayan ng lahat. Kung ang secession threat ni Duterte ay isang empty threat, ang kanyang banta ng isang military coup ay hindi maaaring ipagsawalang bahala. Tandaan natin, malalim ang koneksyon ni Duterte sa hanay ng militar dahil binigyan niya ito ng maraming benepisyo at pribilehiyo noong siya ang pangulo. Bukod dito, ginagamit ni Duterte ang peace talks ni BBM sa CPP-NPA para lalong i-agitate ang iba’t ibang seksyon ng militar na hindi sang-ayon na makipag-usap ng kapayapaan sa isang armadong grupo na tingin nila ay hindi na seryosong security threat at ginagamit lamang ang peace talks para muling magpalakas.
Sabi nga nila, pinakadelikado ang isang animal kapag ito ay desperado at nasusukol. Habang lumalapad ang oposisyon sa Charter change, huwag nating kalimutan na integral na kasama sa panawagan ng mamamayan ang paniningil sa mga Duterte sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan. Hindi opsyon sa mamamayan na matalo ang Cha-cha ngunit makakabalik naman ang mga Duterte sa pinakamataas na antas ng kapangyarihan. Kailangang biguin ng parehas ng mamamayan ang Cha-cha at tangkang panunumbalik ng mga Duterte.