Pebrero nanaman at panahon na nagkalat ang mga puso a usapang pag ibig. Ngunit ang bigyan natin pansin ngayon ay ang butas na puso. Literal na may butas ang puso. Patent foramen ovalis o PFO ang karamdaman na ito. Kung minsan ay hindi agad agad nakikita. Ngunit sa panahon na may matinding kilos at galaw, maaaring mabilis mapagod o mahapo sa may edad. Sa mga sanggol naman, ang matinding pagiyak, pagubo o pagdumi ay nangangasul o nagiging cyanotic.
Alalahanin muna natin ang puso at ang daloy ng dugo dito. Mayroong 4 na chambers o silid. Dalawang atrium sa ibabaw at dalawang ventricles sa ibaba, Nakahiwalay ang kaliwa at kanan nito sa pamamagitan ng septum. Ang itaas at ibaba naman ay may balbula para sa isang direksyon ng daloy ng dugo. Ang walang oxygen na dugo o unoxygentaed blood na nanggagaling sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay bumabalik sa puso mula sa superior at inferior vena cava na nakadugtong sa kanan na atrium. Bababaito sa kanan na ventricle sa pamamagitan ng tricuspid valve. Mula dito ay tutuloy sa pulmonary valve na nakadugtong sa pulmonary artery ng baga kung saan malalagyan na ng oxygen ang dugo. Sa pamamagitan naman ng pulmonary veins, ang oxygenated blood ay mapupunta sa kaliwang atrium. Pababa ang daloy ng dugo sa kaliwang ventricle na dadaan sa mitral valve. At ang katapusan ay dadaan sa aortic valve papunta na sa aorta kung saan ipadadala ang dugo at oxygen sa iba’t ibang bahagi na ng katawan. Sa iisang direksyon, makasisiguro na maayos ang daloy at maayos din ang pagabot ng mahalagang oxygen sa lahat at anumang bahagi ng katawan. Paano na lang kung mula sa kanan na atrium ay mapunta agad sa kaliwa ang dugo. Unoxygenated ito na dadaloy sa katawan. Kaya naman magiging mabilis mapagod sa sandaling puwersado na ang kilos at galaw. pinakamalala ay ang mangasul.
Ang septum ng dalawang atria ay may butas, ang foramen ovale. Ang sanggol sa sinapupunan ay hindi pa gumagana ang baga, kaya ang dugo ay tumutuloy mula sa kanan papunta agad sa kaliwa. Sa oras na maipanganak ito, magumpisa na huminga na, magbabago na ang sirkulasyon ng dugo, magsasara na ito. Nagiging fossa ovalis. Ngunit may pagkakataon na hindi nagsasara kaya mayroon patent foramen ovale.
Sa panahon magkaroon ng sintomas, ipatingin kaagad upang malaman ang kundisyon. Kadalasan ay inoobserbahan lamang, inaayos ang pang araw araw na gawain at iniiwasana ang mga strenuous na aktibidad. Ngunit kung malala, maaaring operahan at isara ito. Huwag natin isara ang ating puso sa pag ibig. Ngunit itong butas ng puso ay dapat magsara. Happy Valentines sa lahat!
Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe! Remain vigilant!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kapitbahay tuwing martes 10am at Health Watch tuwing ikatlong linggo ng buwan 9am sa DZEC1062) at Doc Rylan Facebook Live tuwing linggo ng 11am. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.