Naniniwala ang Makabayan bloc sa Kamara de Representantes na ginagamit lamang umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang planong paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas upang matakpan ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.
“Ang mensahe ko kay former President Duterte, siya na muna ang bumukod sa Pilipinas. Sumuko na siya sa ICC at tigilan na niya ang mga pakulo niya para iwasan ang mga pananagutan niya sa taumbayan, lalo na sa mga biktima ng extrajudicial killings,” sabi ni House Assistant Minority Leader at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Ipinunto ni Brosas na noong nakaupo si Duterte sa Malacañang ay wala naman itong malaking nagawa upang suportahan ang right to self-determination ng mga taga-Mindanao.
“We support Mindanao’s fight for self-determination but not the one being proposed by Duterte, which is driven by self-interest,” ani Brosas.
Naniniwala rin si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na mayroong agenda sa likod ng pinalutang ni Duterte na paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.
“Nakakapagtaka ang timing nito. Bakit hindi ito pinanawagan ni Duterte habang Pangulo palang siya? Ngayon lang niya naisip gawin ito dahil wala na siya sa kapangyarihan at nagugunaw na ang alyansa nila sa mga Marcos,” sabi ni Manuel.
Katulad ni Brosas, sinabi ni Manuel na maaaring gagamitin ang plano upang takasan ni Duterte ang ICC.(Billy Begas/Eralyn Prado)