Kasado na simula sa Abril 15, 2024 ang pagbabawal sa mga e-bike, e-trike, at iba pang maliliit na sasakyan tulad ng tricycle na dumaan sa mga national road sa Metro Manila.
“We will implement it by April 15. But we will consider pa rin iyong ibang suggestions. Nag-a-agree naman sila na kailangan i-regulate,” pahayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Romando Artes sa isang press conference nitong Lunes, Marso 11.
Nilinaw ni Artes na hindi total ban ang ipapatupad sa Metro Manila kundi ipagbabawal lamang sa mga national road ang pagdaan ng mga e-vehicle, tricycle, kuliglig at pedicab.
Nauna nang inanunsyo ng MMDA na may 19 na lugar sa National Capital Region and hindi puwedeng daanan ng mga nasabing uri ng sasakyan.
Kabilang sa listahan na inilabas ng MMDA ang mga sumusunod – C1: Recto Avenue; C2: Pres. Quirino Avenue; C3: Araneta Avenue; C4: EDSA; C5: Katipunan/CP Garcia; C6: Southeast Metro Manila Expressway; R1: Roxas Boulevard; R2: Taft Avenue; R3: Osmeña Highway (South Superhighway); R4: Shaw Boulevard; R5: Ortigas Avenue; R6: Magsaysay Blvd./Aurora Blvd; R7: Quezon Ave./Commonwealth Ave; R8: A. Bonifacio Ave.; R9: Rizal Ave.; R10: Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway; Elliptical Road; Mindanao Avenue; at Marcos Highway.