BUMAWI sina Maria Angelica Cayuna at Cignal HD Spikers sa nalasap na mantsa sa pagbunton sa nakatapat na Farm Fresh Foxies sa apat na set, 25-23, 28-26, 25-27, 25-14, upang siguruhin ang silya sa quarterfinals ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference Sabado sa PhilSports Arena.
Itinala ni Cayuna ang 19 excellent sets habang nag-ambag ito ng walong puntos mula sa anim na attacks at 2 aces para ibigay sa HD Spikers ang ikalimang panalo sa loob ng anim na laro at pinakamahalaga ang pagsiguro sa silya sa susunod na labanan na quarterfinals.
“Gusto talaga namin na makabawi at makabangon sa heartbreaking loss sa huling laro,” sabi ni Cayuna. “Hindi ko talaga maiwasan na mag-voice out kasi gusto ko na manalo kami sa bawat laro,” sabi pa nito.
Halos abot na sana ng HD Spikers na mawalis ang laban sa tatlong set lamang subalit nagawang maagaw ng Foxies ang ikatlong set. Agad na bumawi ang HD Spikers sa pang-apat na set kung saan tuluyang iniwanan nito ang Foxies sa pagtala ng 10 puntos na abante, 20-10, tungo na sa pagselyo sa laban.
Muling nanguna sa Cignal ang import na si Maria Jose Perez na may 25 puntos mula 23 attacks habang tumulong sina Frances Xinia Molina na may 14 puntos, Roselyn Doria na may 13 marka at Toni Rose Basas na may 11.
Nalaglag naman ang Farm Fresh sa kabuuang 2-4 panalo-talong record.
Samantala’y nagsanib puwersa sina Oluoma Okaro at Grethcel Soltones para sa Akari Chargers sa nakakapanginig na yugto upang lampasan nito ang matinding hamon ng Galeries Tower Highrisers tungo sa 23-25, 25-15, 25-16, 22-25, 18-16 at manatiling malinis ang karta at masiguro ang silya sa susunod na labanan sa quarterfinals sa first game. (Lito Oredo)