Kapag malinis ang konsensya mo, hindi mahirap magpaliwanag sa mga kinakaharap na isyu.
Tulad nitong isyung kinakaharap ngayon ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval sa Commission on Audit (COA). Nakatanggap kasi ng Notice of Suspension ang tanggapan ni Mayora dahil sa naging biyahe nito sa Tokyo, Japan noong nakaraang taon.
Agad nakakita ng butas ang mga kalaban ng Mayora at pinalalabas nilang maanomalya ang naturang pagbyahe sa Japan. Agad inilihis sa politika.
Subalit ayon kay Mayor Jeannie ang inisyu ng COA ay Notice of Suspension kaugnay ng P10 milyon na ginastos sa opisyal na pagbisita ng kanilang delegasyon sa Tokyo, Japan noong Disyembre 17-23, 2023. Ang nasabing notice na inilabas noong Setyembre 4, 2024 ay bahagi lamang ng normal na proseso at walang anumang iregularidad.
“Walang bahid ng anomalya o katiwalian dito! Ang biyahe namin ay isang mahalagang hakbang para sa kapakanan ng Malabueño,” pahayag pa ni Mayor Sandoval. Aniya, isa itong learning visit para makakuha ng mga makabagong kaalaman at solusyon mula sa Tokyo, na maaaring ipatupad para sa ikauunlad ng Malabon.
Aniya pa, kasama niya sa nasabing pagbisita ang ilang konsehal at opisyal ng lungsod upang matutunan ang mga advanced na sistema ng urban planning at disaster management ng Tokyo.
Ibinaba ang Notice of Suspension dahil sa mga cash advances para sa naturang biyahe at hindi dahil sa kwestyonableng paggasta.
“Ang notice ay inisyu dahil sa mga nawawalang dokumento o pirma na kailangan para ma-clear ang transaksyon,” anang alkalde. At sa ngayon ay naisumite na ang mga kinakailangang detalye ng gastos sa liquidation report.
Binigyang-diin din ng alkalde na, bagama’t nabanggit sa Notice of Suspension na walang appropriations para sa travelling expenses-foreign para sa taong 2023, ang pondo para sa travel expenses ay malinaw namang nasa supplemental budget ito.
“Tinitiyak ko sa lahat ng Malabueño—wala kaming ginagawang mali o katiwalian. Kumpleto ang lahat ng papeles, at tiwala kami na mabilis na malilinawan ang usaping ito,” ayon pa kay Mayor Jeannie.
Mismong si City Administrator Dr. Alexander Rosete ang nagsabing hindi dapat ikabahala ang Notice of Suspension dahil ito ay pansamantala lamang at kapag naisumite na ang mga dokumentong hinajanap ng COA, agad din itong maaalis.
Paalala pa ng opisyal, iba ito sa Notice of Disallowance, na may mas seryosong implikasyon. Hindi ito dapat haluan ng pamumulitika.
Kaya naman payo natin sa mga taga-Malabon, kalma lang at huwag padadala sa mga maling impormasyong ikinakalat laban kay Mayor Jeannie.
Ayon pa kay Mayor Sandoval, hindi nila ginagamit ang pondo ng bayan para sa pansariling interes, kundi para sa ikabubuti ng ating lungsod.
Aniya pa,sa harap ng mga batikos ay patuloy siyang magtatrabaho at hindi magpapaapekto.
Tama yan Mayor Jeannie, ipakita mo sa lahat na ikaw ay tunay na “unbothered” dahil hindi ang mga ganitong isyu ang magpapabagsak sa iyong administrasyon. Kapag wala kang itinatago, taas noo mong masasagot anumang isyu ang iyong kaharapin.
Kaya mga taga Malabon, ahon at huwag nyong hayaang ilubog kayo sa maagang pamumulitika ng iilan!