Maganda ang aming naging huntahan noong nakaraang Sabado ni dating LPGMA Party-list Representative at kasalukuyang REGASCO President Arnel Ty sa “Parekoy” sa DWAR Abante Radyo na mapapakinggan alas-10:00am hanggang alas-11:00am sa 1494 khz sa AM dial ng ating mga radyo sa Maynila.
Sa medyo may katagalan na rin kasi naming tambalan ng dating mambabatas ay sa edisyon lamang noong nakalipas na Setyembre 14 ko nalaman kung aling lugar dito sa National Capital Region (NCR) ang pinakamura at pinakamahal ang presyo ng produktong petrolyo lalo na ang gasolina at diesel.
Sa aming kuwentuhan na live ding napanood at puwedeng mapuntahan anumang oras sa mga social media platform ng DWAR katorse nuwebe kuwatro, ipinaliwanag din ni Cong Arnel ang ilan sa mga dahilan ng magkakaibang presyuhan ng mga nabanggit na produktong petrolyo sa iba’t ibang lugar.
Sa NCR, ayon kay Cong Arnel, pinakamura ang presyo ng gasolina at diesel sa bahagi ng Fairview sa Quezon City at pinakamahal naman daw sa Taguig.
Ayon sa paliwanag ng dating mambabatas, isa raw kasi sa pangunahing batayan ng pagpipresyo ng gasolina at diesel ay ang kakayahan ng mga mamamayan ng isang partikular na lugar na bilhin ito base sa uri ng mga sasakyang pangkaraniwang nakikita sa lugar.
Sa Fairview, pangkaraniwang makikitang mga sasakyan ay ang mga ginagamit sa paghanapbuhay kagaya ng mga UV Express, bus, mga dyip at iba pang mga kauring sasakyan na inaasahan ng mga komyuter na makapagdala sa kanila sa mga lugar na pinapasukan.
Sa Taguig ay kabaligtaran naman ang nangyayari dahil kung ang pag-uusapan ay ang BGC, pangalan pa lamang ay talagang sosyal na at pangkaraniwan na lamang na mga mamahalin o high-end na mga pribado at pampublikong sasakyan ang makikita sa lansangan.
Ang paliwanag ni Cong Arnel ay sinang-ayunan din ng ilan sa mga netizen na nag-comment nang i-upload ko sa aking TikTok account ang bahaging ito ng aming kuwentuhan at may nagsabi pa nga na mahal din daw sa Muntinlupa.
Sa panig naman ng LPG sector na kinabibilangan ng dating mambabatas, pangunahing batayan pa rin ng pagbabago ng presyo ang malakas o mahinang demand ng kanilang kalakal sa pandaigdigang merkado bagama’t tinitiyak naman niya na paniguradong kung hindi eksakto ay sobra sa itinakdang timbang ang laman ng kanilang mga tangke at cylinders.
Ito ay bunga ng mas mahigpit na pagpapatupad ng Department of Energy (DOE) sa RA 11592 o ang LPG Law na iniakda ni Ty noong siya ay miyembro pa ng Kamara.
Oo nga pala, magtitipon-tipon sa Laus Convention Center sa Pampanga sa darating na Sabado, Setyembre 21 ang mga dealer ng REGASCO buhat sa iba’t ibang rehiyon sa Luzon.
Layon nito na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga ilegal na aktibidad sa industriya.