Papagitna ang matatalentong kabataan sa timog sa misyon sa titulo at ranking points paghambalos ng Gov. Edwin Jubahib Cup National Tennis Championships ngayon (Huwebes) sa DavNor Tourism Sports Complex courts sa Davao del Norte.
Tampok sa five-day Group 2 tournament, halos 250 players para sa nine age groups. Siklab ito ng unang leg ng two-part series na presentado ng Dunlop at inisyatiba ni Gov. Edwin Jubahib para maiangat ang sport at makatuklas ng mga sikat na tenista sa hinaharap.
Ang susunod na torneo ay sa Feb. 15-19. Para sa mga detalye pa at pagpaparehistro, kontakin si event organizer Bobby Mangunay sa 0915 404 6464.
Mangungunang magpapasiklab sina Jason Battad, Randy Pausanos, Stephen Fuertes at Bench Neri sa boys’ 18-and-under division habang sina Chelsea Bernaldez, Ana Salahuddin, Aika Salahuddin at Sanschena Francisco ang mga gigiya sa girls’ side ng premier category, na parehong may tig- 32-player.
Sina Battad at Fuertes din ang mga aangas sa 16-and-U na kabibilangan pa nina Mohammad Mosaid at Error Giducos, samantalang asinta ni Aika asinta ang ikalawang korona bilang top seed sa girls’ 16-and-U na sasabakan din nina Camille Clar, Jannah Otico at Faith Lazaro.
Gitgitan din sa 14-&-U category sina Yendor Carvajal, Matt Docena, Dexter Salcedo at Gian Luna sa boys’ roster at si Otico naman sa girls’ kasama sina Princess Placa, Jhuane Flores at Arriana Maglana.
Malamang na magtuos sina Kresthan Belacas, Francis Florida, Jaycee Compa at Docena sa boys’ 12-&-U title, laban sina Justine Gumbao at Shan Tuyor sa girls’ division sa event na bahagi sa matagal nang programang tumutuklas ng mga talent na itinataguyod ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.
Labo-labo sina Daneea Sinsuat, Gabriel Francisco, Francis Dimzon at Christian Otig sa 10-&-under unisex class ng tourney na may mga basbas ng Philippine Tennis Association at ng Universal Tennis Ranking.
Samantala, ilalarga ang Mayor Josef Fortich Cagas Cup sa Feb. 22-26, isa pang juniors Group 2 netfest sa Digos City Tennis Club kasunod ang Gov. Yvonne Cagas Cupsa Feb. 29-Mar. 4 sa Bansalan Tennis Club.
Darayo rin ang mga aksiyon sa Cotabato sa Mar. 7-11 para sa Kidapawan City NTC.
(Abante TONITE Sports)