Itong linggo, na-cite in contempt si Apollo Quiboloy ng Senate committee on women na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros dahil sa pagsuway nito sa isang subpoena na inilabas ng Senate sergeant-at-arms na inuutusan ang self-declared son of god na humarap sa isang hearing para linisin ang kanyang pangalan na sinasangkot sa kaliwa’t kanang akusasyon ng rape, pedophilia, sexual harassment at human trafficking ng mga kababaihan at mga bata. Ipinag-utos din ni Senator Hontiveros na agad na arestuhin si Quiboloy upang humarap sa imbestigasyon ng Senado.
Hindi nakakapagtaka na tinutulan ito ni Senator Robin Padilla, kilalang loyalista ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Nangako ito na mangangalap siya ng sapat na pirma mula sa iba pang mga senador upang epektibong i-overrule ang contempt charge laban kay Quiboloy. Kailangan ni Robin ng walong (8) pirma para depensahan si Quiboloy.
Sa ngayon, may apat nang senador ang lumantad para depensahan si Quiboloy na akusadong rapist at human trafficker, nasa listahan ng wanted person ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos at soon-to-be charged ng Department of Justice (DOJ) ng ating bansa. Bukod kay Robin, ang mga nasabing senador ay sina Imee Marcos, Bong Go at Cynthia Villar. Congrats sa kanila, lalo na kay Senator Robin. Totoong bad boy ka na talaga! Gayundin kay Imee at Cynthia na nagawang pagtaksilan ang kanilang mga kabaro ngayong international women’s month. Ngayon, maitatala na kayo sa kasaysayan na tagapagtanggol ng isang accused sexual predator, human trafficker of women and children, money laundering at isa FBI’s most wanted person. Ipagpatuloy ninyo `yan at baka naman magantimpalaan kayo ng puwesto sa langit ni “appointed son of God”.
Sa totoo lang, dapat sana ay lima na ang bilang nina Robin, ngunit umatras si Senator JV Ejercito dahil sa strong public pressure. Nakakatawa, dahil bago umatras si Sen. JV, sinambit nito na “innocent until proven guilty” daw si Quiboloy. Hello! Kaya nga pinapaharap si Quiboloy para bigyan siya ng due process at oportunidad na sagutin ang mga paratang laban sa kanya. Basic principle `yan, `di ba? Ayan tuloy, nagkaroon ng unnecessary na “laban o bawi moment” si Sen. JV. Ganoon pa man, positibo nating tinatanggap ang pagbaliktad ni Sen. JV.
Obviously, ang mga dumedepensa kay Quiboloy ay mismong mga taga-suporta rin ni Digong, o yaong may pagkakaparehas sa political interests ng nasabing pamilya. Kaya lumalabas na proxy war ito ng mga Duterte sa Senado laban sa lahat ng kanilang mga tinuturing na kaaway. Bukod sa mga pro-Quiboloy senators, members din ng committee si Senator Nancy Binay, na umuupong committee vice chair, at sina Senators Pia Cayetano, Grace Poe, Raffy Tulfo, Christopher Lawrence Go at Mark Villar. Committee ex-officio members naman sina Senators Loren Legarda, Joel Villanueva, at Koko Pimentel. Sa mga darating na araw, magiging interesante kung papaano titindig ang mga nasabing mga senador dahil hindi lamang sila titindig na pabor o laban kay Quiboloy, na hinihimok na ang mga mamamayan na pabagsakin ang gobyerno ni PBBM, kundi maging sa mga Duterte na kaalyado ni Quiboloy.
Mahalagang test case ito para sa lahat. Sa panig ng oposisyon at kanilang mga kapanalig, mahalaga na maaresto at mapanagot si Quiboloy dahil lalong ibubukas nito ang daan para mapanagot naman si Digong at kanyang mga kasabwat sa madugong pagpapatupad nila ng kanilang war on drugs. Kung mababaliktad ang contempt ruling ni Sen. Hontiveros, may epekto ito sa political momentum ng oposisyon. Sa kabilang banda, importante rin ito sa kampo ng mga Duterte dahil oportunidad ito na ipamalas na mayroon pa sila impluwensiya at kapangyarihan. Kapag natalo sina Robin sa pagdedepensa kay Quiboloy, ihuhudyat nito ang patuloy na paghina ng suporta sa mga Duterte sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Hamon din ito para sa mga ordinaryong mamamayan. Hindi maaari na pasibong nanonood lamang tayo sa isyu na ito. Huwag na nating gayahin ang ilang “lider” ng oposisyon na naging mga “silent observers” na lamang ng ating politika at pamamahala. Kasaysayan na ang bahalang humusga sa kanila. Nakakalungkot at ang ating bansa ay pilit hinahati ng kababuyan at kawalanghiyaan ng magbarkadang Duterte at Quiboloy: si Digong at ang kanyang crimes against humanity, at si Quiboloy, ang kanyang heinous crimes laban sa mga kababaihan at bata. Kung patuloy nating palalampasin ang mga Duterte at Quiboloy ng ating lipunan, baka nga na hindi tayo karapat-dapat ng isang mas magandang bukas at lipunan. Ang mga pekeng lider na hindi o ayaw natin mapanagot ay siyang mga lider na wawasak sa ating bansa.
Kaya dapat lamang na suportahan ng lahat si Senator Hontiveros sa kanyang matapang na laban na panagutin si Quiboloy at bigyan ng hustisya ang mga kababaihang kanyang mga naging biktima. Hamunin nating lahat si Quiboloy na lumantad at linisin ang kanyang pangalan. Kung kaya patigilin ni Quiboloy ang mga kalamidad gaya ng lindol, baha at bagyo, ay kayang-kayang humarap ng “appointed son of God” sa Senado. O baka naman duwag lang talaga si Quiboloy at natatakot ma-appoint sa kulungan? Yari ka!