Gaano ba ka-mapanganib ang maging miyembro ng media o pamamahayag?
Sa tingin ng marami, ang pagiging mamamahayag sa Pilipinas ay isang napakaglamorosong trabaho dahil ang kadalasang nakikita at napagbabatayan ay ang mga nakabase sa National Capital Region (NCR) bilang sentro na rin ng mga upisina ng iba’t ibang media networks.
Pero kung ang tatanungin ay ang mga nagbabantay sa nasa sektor sa labas ng Metro Manila, salungat na salungat ang kuwentong mahahalungkat.
Isa siguro sa mga malinaw na kuwento nito ay ang nararanasan ng ilang miyembro ng Masbate Quad Media Society, Inc (MQMSI) sa lalawigan ng Masbate partikular na ang ilang kaso ng plunder at graft na isinampa ng grupo sa mga opisyales ng pamahalaan ng lalawigan na ito.
Sinasabi ng abogado ng grupo na si Atty. Bart Rayco na solid na solid ang kanilang mga ebidensiyang isinumite sa Office of the Ombudsman kaugnay sa mga naturang reklamo sa mga provincial government officials na pinamumunuan ni Governor Antonio Kho.
Ito ay batay umano sa naging resulta ng mga miyembro ng grupo na nagsagawa ng imbestigasyon sa mga proyektong imprastraktura na ipinatupad ng administrasyon ng naturang provincial governor.
Pero nakakalungkot daw na magpahanggang ngayon ay walang kasiguruhan kung kailan ito bibigyan ng atensiyon ng naturang anti-graft body.
Sa ganitong situwasyon na hindi naglalabas ng anumang desisyon o kautusan ang Office of the Ombudsman, walang ibang nalalagay sa alanganing situwasyon ay ang mga grupo ng media na katulad ng MQMSI.
At ang pinag-uusapan dito ay ang situwasyon pa lamang sa Masbate.
Kung sa ganito lagi hahantong ang mga reklamong katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan na inihahain sa Ombudsman, paano pa magkakaroon ng lakas ng loob ang iba pang nakakaalam ng mga katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan sa iba’t panig ng bansa?
At higit sa lahat, paano pa magagampanan ng maayos ng mga kagawad ng media ang tungkulin na maghanap at isiwalat ang mga katotohanan upang maituwid ang mga ito, mapanagot ang mga nagkasala upang hindi na maulit sa hinaharap.
Napakalaki ng obligasyon ng Ombudsman tungo sa mas maayos at malinis na pamamalakad sa halos lahat ng sangay ng pamahalaan, pero kung babagal-bagal ito sa paglalabas ng desisyon o kautusan sa mga inirereklamo batay sa bigat ng mga ebidensiyang isinusumite ng mga naghahain, malamang na patuloy na mamayagpag ang hindi magandang gawain sa kaban ng bayan.
Palaki nang palaki ang utang ng Pilipinas at hindi na rin naman ito puwedeng mapigilan pero kung ang mga pondo para sa mga proyekto ay hindi masisinop kahit pa nga may mga ebidensiya nang nagpapakita na mali o inabuso ang paggamit sa mga ito, walang kahihinatnan ang pagod ng mga naghahanap ng katotohanan gaya ng media, gaya ng MQMSI.