Ang Saligang Batas ay nagsisilbing gabay ng pamahalaan sa paggamit nito ng wastong kapangyarihan.
Inihahayag din nito ang mga karapatan at tungkulin upang tayo ay maging mabuting mga Pilipino. Bukod pa rito, ang Konstitusyon ang nagpapahintulot kung maaaring mamuhunan ang isang dayuhang kompanya sa aspeto ng kagamitang pambayan (o mas kilala bilang public utilities), negosyo, o edukasyon. Dahil sa mahigpit na probisyong ito, sinasabi na nagiging limitado ang mga oportunidad pang-ekonomiya na mabigyan ng magandang kinabukasan ang bawat Pilipino.
Matapos ang halos apat na dekada mula ng maitatag ang 1987 Constitution, nananatiling mahigpit ang pagpapapasok ng foreign direct investments (FDIs). Ayon sa 2020 FDI Regulatory Restrictiveness Index ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), pangatlo ang Pilipinas sa 83 na mga bansa, at natatangi sa ASEAN Region, na may pinakamahigpit na batas ukol dito. Dahil sa globalisasyon, hindi maikakaila ang kahalagahan ng FDIs sa pagpapausbong ng ekonomiya ng isang bansa. Matatandaan din na ang Singapore, sa pamumuno noon ni Lee Kuan Yew, ay umunlad sa tulong ng FDIs. Ang ating mithiin na umunlad ang Pilipinas katulad ng Singapore ay magiging posible kapag napaluwag ang economic restrictions ng ating Saligang Batas.
Kasalukuyang dinudulog ang Resolution of Both Houses No.7 (RBH 7) sa Kamara. Layunin nito na amyendahan ang Articles 12, 14, at 16 o ang mga economic provisions ng Saligang Batas para payagan ang mga FDIs na makapasok at makapagbigay ng kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya. Kabilang dito ang sektor ng kagamitang pampubliko, advertising, at
edukasyon.
Sa sektor ng kagamitang pampubliko, mawawala ang mga monopolyo upang nangsagayon ay gumanda at gawing abot-kaya ang mga produkto at serbisyo. Sa advertising naman, makakalikha ng madaming trabaho at makilala ang talento ng mga Pilipino. At sa edukasyon, papayagan na ang mga foreign academic institutions na magtatag ng kanilang mga paaralan dito upang makapagbigay din ng dagdag kalidad na edukasyon para sa bawat Pilipino.
Mahalaga ang pagkakaisa ng Kamara upang makapagbigay ng tunay na pagbabago at kaunlaran, at ang RBH 7 ang nakikitang sagot upang umangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino.
Magkaisa at magtulungan po tayong lahat na naglalayon lamang na makamit ng Pilipinas ang progresibong pagbabago. #JoloCares