Mga laro ngayon
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Phenix vs NLEX
7:30 p.m. – Magnolia vs NorthPort
Maingay na sinikwat ng Terrafirma ang unang panalo sa PBA 49 Governors Cup, sinagasaan ang powerhouse TNT 84-72 sa Ninoy Aquino Stadium nitong Huwebes ng gabi.
Nakalimang puntos lang sa first half si Stanley Pringle, ibinuhos ang 13 niya pa sa fourth quarter nang ariin ng Dyip ang period 34-15 para sa unang ‘W’ matapos ang 0-8 start.
Sa huling dalawang laro bago ang TNT, papunta na sa panalo ang Terrafirma pero nasilat sa dulo ng Magnolia 99-98 at Converge 100-99.
“Akala ko ‘di ko kayo makikita (ngayong conference),” nakangiting bungad ni coach Johnedel Cardel pagpasok sa press room para sa postgame interview, kasunod si Pringle. “Pagod din sila (TNT).”
Nasagad noong Martes ang Tropang Giga bago naipagpag ang Magnolia 84-82.
Kinalsuhan ng Dyip ang five-game winning streak ng Tropang Giga, napigil sa 7-2 pero No. 1 pa rin sa Group A at pasok na sa quarters. Out na sa last eight ang Terrafirma.
Nagpreno rin sa 18 ang losing streak ng Dyip sa Tropa. Sa record ni chief statistician Fidel Mangonon III, huling tinalo ng Terrafirma ang TNT noon pang 2016 Governors Cup.
Kalagitnaan ng final stanza ay naitukod ni Antonio Hester ang kaliwang braso at inilabas. Tumapos ang Dyip import ng 22 points, 10 rebounds. Namigay ng 6 assists si Paolo Hernandez sa Terrafirma na napuwersa sa 24 turnovers, 13 combined sina Pringle at Hester.
Halos triple-double si Ronday Hollis-Jefferson sa nilistang 25 points, 11 rebounds, 9 steals para sa TNT. May 23 markers si RR Pogoy na 5 for 9 sa 3s pero wala nang ibang player si coach Chot Reyes na naka-double digits.
Iskor
TERRAFIRMA 84 – Hester 22, Pringle 18, Sangalang 10, Cahilig 8, Ramos 7, Hanapi 7, Hernandez 6, Olivario 2, Carino 2, Ferrer 2.
TNT 72 – Hollis-Jefferson 25, Pogoy 23, Oftana 5, Erram 4, Nambatac 3, Payawal 3, Varilla 3, Castro 2, Khobuntin 2, Williams 2, Heruela 0, Vosotros 0, Exciminiano 0.
quarters: 15-18, 32-36, 50-57, 84-72. (Vladi Eduarte)