Mahalagang paalala ng Ebanghelyo ngayong Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon B) ang kabuluhan ng paghihirap at pagdurusa. Binibigyang-diin sa Mabuting Balita na bahagi ito ng buhay. Gayunman, iba ang dapat na magíng pananaw ng mga tagasunod ni Kristo (Cfr. Marcos 8:27-35).
Ipinapaliwanag sa atin ng mga pagbasa ang kahulugan ng mga pagtitiis, paghihirap at pagdurusa na hinaharap; una sa lahat, na ang mga ito ay bahagi ng buhay. Binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malalim na tiwala sa Diyos dahil sa malalim na pananalig na hindi kailanman Niya tayo pababayaan.
Lahat ng tao ay dumaraan sa mga pagsubok at pagdurusa. Ipinapahintulot ng Diyos ang mga problema sa ating buhay upang ating makilala ang tibay at lakas na dulot sa atin ng Panginoon. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos sa gitna ng ating mga tiisin at pagdurusa na nagsisilbing patotoo sa ating pananampalataya.
Diin ng Simbahan, “Jesus invites us to follow his way of sacrificial love. As his disciples we are encouraged to accept our trial and suffering with him; this is our way of taking up our cross and following the Lord.” Ito ani Pope Francis ang paraan upang lubos na makilala, sundan at paglingkuran ang Panginoong HesuKristo.
Ang tanong ng Panginoon sa Mabuting Balita sa mga alagad kung sino Siya para sa kanila ay patungkol din sa atin. Sa ating pagkilala at pagturing kay Hesus mababanaag ang ating pananaw sa buhay nang may matibay na pananampalataya sa harap ng mga pagsubok at problema. Ito ang pinanggagalingan ng lahat ng ating lakas at tapang.
Binibigyang-pansin ng Simbahan ngayong Linggo na ang ating mga paghihirap at pagdurusa ay pakikibahagi lamang natin sa pagliligtas na ginawa para sa atin ni Hesus. Malinaw ang paanyaya ni Kristo: Kung ibig ninumang sumunod sa Akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.” (Marcos 8:34)
Nilinaw ng Panginoon na lahat ng ating tinatahak na hirap ay may patutunguhan ayon na rin sa Kanyang sariling karanasan. Kung tayo ay namatay kasama ng Panginoon, tayo rin ay babangon katulad Niya. Kaya ang mga pagtitiis at pagdurusa ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Pinapaging dapat tayo ng Panginoon para sa kaligtasan Niyang handog.
Paalala sa atin ngayong araw na lahat ng pinagdaraanan natin sa kasalukuyan ay bahagi ng paglago sa buhay kabanalan. Tapat ang Diyos at hindi Niya tayo pababayaan ano pa man. Ang Kanyang tulong ay sumasaatin tuwina; kailangan lang natin marahil baguhin ang ating pananaw ayon sa Kanyang plano at wastong kilalanin kung sino at ano si Kristo sa ating buhay.