Mismong si Timor-Leste President Jose Ramos-Horta na ang nangako sa National Bureau of Investigation (NBI) na bibilisan ang proseso sa kaso ng inarestong si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. upang maibalik kaagad ito sa Pilipinas.
Base sa pahayag ng ahensiya nitong Sabado, Marso 23, nasa Timor-Leste ang grupo ng NBI sa pangunguna ni Director Medardo De Lemos kasama si Chief Interpol Filipinas S. Astrero at apat na investigation agents para ipatupad ang Interpol Red Notice laban kay Teves.
Nagsagawa umano ng courtesy call ang grupo nina De Lemos kay President Horta kung saan ay kanilang napag-usapan ang kahalagahan ng international cooperation na naging dahilan upang maaresto si Teves.
Nagpasalamat din ang NBI chief sa pangulo ng Timor-Leste dahil sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad sa naturang bansa upang arestuhin si Teves.
Bilang tugon, sinabi umano ni Horta na hangad din nitong maresolba kaagad ang usapin kay Teves upang maibalik na ito sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
“President Horta communicated his earnest desire for the immediate resolution of the case and emphasized the importance of expeditiously removing Teves from Timor-Leste,” ayon sa NBI.
Inaresto ng mga awtoridad si Teves habang naglalaro ng golf sa Dili, Timor-Leste.
Nahaharap ang pinatalsik na kongresista sa mga kasong murder kaugnay ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pang biktima ng pamamaril sa bayan ng Pamplona noong Marso 4, 2023.
Ipinatupad ang pag-aresto kay Teves sa pagtutulungan ng mga law enforcement agency, kabilang dito ang International Police (Interpol) national Central Bureau sa Dili at East Timorese Police. (Juliet de Loza-Cudia)