Dapat tigilan na ang pagsusulong ng Charter change (Cha-cha) at ibaon na sa limot ang ambisyon na baguhin ang 1987 Constitution.
Ito ang iginiit ng Makabayan bloc kasunod na rin ng pinakahuling Pulse Asia survey na lumilitaw na halos 90% ng mga Pilipino ay ayaw at laban sa Cha-cha.
“Sa pamamagitan ng survey na ito ay ipinapakita na halos 90% ng mga Filipino ay ayaw at laban sa Charter change. Kaya dapat itigil na ang Charter change at ituon ng gobyerno ang oras at resources nito sa pressing problems ng mga Filipino,” ayon kay ACT-Teachers party-list Rep. France Castro.
Ipinapakita rin umano rito na budol ang isang survey na sinasabing gusto ng mga Pilipino ang Cha-cha.
Ayon naman kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, pinatunayan sa survey na naniniwala ang taumbayan na hindi Cha-cha ang solusyon sa mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod at kahirapan sa bansa.
Batay sa Pulse Asia survey na inilabas nitong Miyerkoles, Marso 27, 74% mula sa 1,200 adult Pinoy na sinurvey ang nagsabi na hindi dapat baguhin ang Saligang Batas.
Tumaas umano ang bilang ng mga kontra sa Cha-cha ng 43% ngayong Marso 2024 kumpara sa parehong buwan noong 2023. Habvang nasa walong porsiyento lamang ang nagsabi na dapat amiyendahan na ang 1987 Constitution.(Eralyn Prado)