Ilang kembot na lang at maitatawid na natin ang Semana Santa o Kuwaresma. Pero may ilang araw pa bago ang Linggo ng Pagkabuhay para naman makapagnilay-nilay sa buhay.
Ano ba ang puwedeng pagnilayan at gawing pagtitika hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay? Baka puwedeng huwag na munang mag-post sa social media ng mga larawan at video na nakabukaka. O kaya naman eh nagsasayaw o kumakanta na may sadyang pinapabakat at pinasisilip para mas marami ang tumingin.
Para naman sa mga Pinoy, kabilang ang mga netizen, na kampi sa China, maganda rin na pagkakataon ang Easter Sunday na araw ng paghahanap ng mga itlog, para hanapin din nila ang kanilang mga “betlog” at kaluluwa.
Matapos kasi ang pinakahuling insidente sa West Philippine Sea na halos palubugin ng China Coast Guard ang barkong-kahoy ng Pilipinas na magsu-supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, at masugatan din ang mga researcher natin sa Sandy Cay dahil sa helicopter pa rin ng China, aba’y dapat sigurong matauhan ang mga Pinoy na kampi sa China.
Hanggang ngayon kasi, may mga netizen na posibleng may natatanggap na “padulas”, na nagkokomento at nagpo-post sa social media na pabor sa China. Para silang parrot na ginagaya ang linya ng China na ang Pilipinas ang naghahamon ng gulo sa WPS dahil makulit daw ang gobyerno na punta nang punta sa pinag-aagawang teritoryo kaya nagagalit ang mga Tsekwa.
Alam din kaya ni PBBM na may mga opisyal pa rin siya na naniniwala sa linyada na ginagamit lang ng US ang Pilipinas para sa pansarili nitong interes kaya ginagatungan ang mga Pinoy na inisin ang mga Intsik sa WPS?
Puna nga ng ilan nating ayudanatics na kurimaw, bakit may mga opisyal na parang “no hear, no see at no talk” ang style sa isyu ng WPS, kahit halos madurog na at magliparan ang mga pako ng barkong kahoy na ginamit sa resupply mission.
Nakakahiya rin na malaman na sa kabila ng init ng sitwasyon sa WPS, aba’y may mga Chinese pala na nakapasok bilang auxiliary member ng Philippine Coast Guard. Kaya hindi kataka-taka na magduda si Cong. Ace Barbers na baka naging espiya ng China ang mga Intsik na nakapasok sa PCG.
Lumalabas na 36 na Chinese nationals ang nakapasok sa PCG na nangyari noong nakaraang administrasyon at natanggal lang noong December 2023. Kaya ang malaking tanong na dapat sagutin, sino ang pumayag na makapasok sa PCG ang mga Intsik at hanggang saan ang lawak ng impormasyon ang nakuha nila patungkol sa PCG na maaaring naibato nila sa China?
Pero bukod sa paghahanap ng betlog, dapat ding sigurong maghanap ng paraan at taktika ang mga opisyal natin kung papaano mapoprotektahan ang mga sakay ng barko ng Pilipinas na lagi na lang binobomba ng tubig ng mga barko ng China.
Hindi naman siguro maganda na nagmumukhang “willing victim” ang mga Pinoy sa WPS, at mistulang ibinabala sa kanyon ang mga sibilyan at sundalo na sakay ng mga resupply boat. Aba’y paano na lang kung may mamatay sa kanila?
Kahit huwag nang ibida sa media ng mga opisyal kung ano ang plano nilang hakbang at ano ang gagawin nila sa susunod na mangyari ulit ang pambobomba, basta ang mahalaga ay maprotektahan ang mga nakasakay sa barko.
Puwede kaya nilang isama sa barko si Pastor Apollo Quiboloy habang hindi pa siya naaresto baka sakaling mapa-stop! niya ang buga ng tubig sa mga barko ng China Coast Guard? O baka naman may sale na malalaki at matitibay na payong o tolda sa mga online shopping platform na puwede nilang bilhin at ilagay sa mga barko natin para hindi pasukin ng tubig? O kaya naman eh gamitin na talagang resbak ng PCG ang “MV Malabanan.”? Tandaan: “Bata mo `ko at Ako ang Spy n’yo.”