Lulusob ang Philippine Golf Tour Qualifying School sa unang pagkakataon, may hatid na pukpukang sagupaan para sa mga puwesto sa taong itong men’s pro circuit na may 10 legs at upuan sa season-ending Match Play Championship.
Papalo ang 72-hole eliminations sa March 5-8 sa South Pacific Golf and Leisure Estates sa Davao City, na punong abala rin ng ninth leg ng PGT at Ladies PGT noong isang taon.
Bibida sa taong itong batch ang many-time national team nina multi-titled Aidric Jose Chan, Lanz Uy, Luigi Wong at Ryan Monsalve. Atat silang ibalandra ang kahandaan na umakyat at makipagsabayan sa malalaking premyong cash sa Pilipinas Golf Tournaments, Inc.-organized circuit, na sasambulat sa Mar. 12 sa Apo Golf and Country Club, sa Davao rin.
Nakipagtambal si Chan, kay pro Rey Pagunsan para makalawit ang Delimondo National Pro-Am sa Splendido Taal Golf Club noong 2019, kasama niya ang kapwa amateurs na sina Enzo Fregil, Marc Lu, Vince Lusterio Jr., Tom Marcelo, Francis Mendez, Edmar Salvador Jr., Niño Soberano, Airon Sorino, Sean Ty at Michael Uy, na makikirambol sa Top 30 slots laban sa seasoned pros na asintang makapitan naman ang kanilang Tour cards pagkasablay sa 15th PGT 2023.
Ilan sa beteranong pro na sasabak din sa qualifiers sina Rufino Bayron, Anthony Fernando, Enrico Gallardo, Johvanie Abaño, John Kier Abdon, Magno Arancon, Jr. Kristoffer Arevalo, Leandro Bagtas, Ramil Bisera, Paul Echavez, Jelbert Gamolo, Josh Jorge, Mario Labajo, Joseph Labajo, Leonard Lofranco, Jonas Magcalayo, Ivan Monsalve, Carlos Packing at Elmer Saban.
Kasama rin ang nagbabalik na sina Mhark Fernando, Edward Reyes at Paul Minoza.
Nakaamba ang country’s premier tour ng ICTSI (International Container Terminal Services, Inc.) sa kapana-panabik na taon makaraan ang matagumpay sa nakalipas na edisyon makaraan ang pandemya. Kasunod ng inagurasyon sa Apo, toka ang ikalawang bahagi ng circuit sa Palos Verdes Golf and Country Club, sa Davao pa rin, sa Mar. 19-22.
Magpapatuloy ang labanan sa kasikatan at kayamanan sa Caliraya stop sa Cavinti, Laguna sa April 9-12, kasunod ang mga yugto sa Valley Golf Club sa Antipolo at Splendido Taal Golf Club sa May 7-10 at July 16-19.
Makakasabay ang 54-hole LPGT ng men’s counterpart.
(Ramil Cruz)