Dahil na rin sa pag-iwas sa pagsagot sa mga tanong, pina-contempt ng quad committee ang sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang naghain ng mosyon para i-cite in contempt si Guo na inaprubahan naman ng komite.
Hindi nagustuhan ni Paduano ang paulit-ulit na pag-iwas ni Guo sa tanong kaugnay sa personalidad na tumulong sa kanya para tumakas dahilan upang maghain ng mosyon ang mambabatas para ipa-contempt ang dating alkalde.
Sa contempt order ay makukulong si Guo hanggang sa matapos ang pagdinig ng komite ngunit hindi pa nadesisyunan kung saan ito ikukulong.
Iginiit naman ni Paduano na ilipat na lamang si Guo sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City mula sa kasalukuyan nitong pagkadetine sa PNP Custodial Center.
Humarap si Guo sa komite matapos na isangkot ito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). (Eralyn Prado/Billy Begas)