Mula nang tumuntong ako sa edad na 50, my golden age, marami ako naramdaman sa aking katawan.
Mataas ang uric acid, ang bad cholesterol at siyempre, ang blood pressure tumataas na.
Siyempre walang disiplina, `yan ang unang dahilan. Walang kontrol sa food intake kahit alam ko namang bawal. Walang in moderation, basta pagod ang katawan at utak, ang pinakamabilis na solusyon kumain.
Ang masama dito, wala akong exercise kaya naman sa tuwing magpapa-blood chem ako, asahan mo nang mataas ang bad cholesterol gayundin ang uric acid.
Ngayong 53 na ako, may maintenance na ako pang-high blood, mababa lang naman. Mabuti nang sumusunod sa sinasabi ng doktor kaysa naman biglain ka na lang ng walang kamalay-malay. Isa lang naman ang payo ng aking doktor, kailangang kong mag-exercise para mapababa lahat ang uric at cholesterol, bagay na hindi nagawa sa nakalipas na anim na taon.
Noong mid 40s, mahilig pa akong maglaro ng basketball at badminton pero nong nagkaka-edad na hindi na kaya ng aking tuhod lalo na’t medyo lumalapad na ang katawan, sa madaling salita ay tumaba na. Hindi ka makagalaw masyado, hirap ng tumakbo at madaling mapagod.
Kaya natanong ko rin sa sarili, ano kayang sport ang babagay sa aking edad? Iyong tipong hindi prone sa injury pero kahit paano pagpapawisan ka ng husto. Hanggang kumbinsihin ako ng ilang kaibigan sa media na subukan kong maglaro ng golf na siyempre, ang sabi nila, pang-may kaya o pang-mayaman. Pang-yayamamin nga daw ang larong ito.
Dahil sa kanilang pangungulit, naisip ko na bakit hindi ko subukan. Pero siyempre nagtanong-tanong rin ako sa marunong na at nag-research kung magkano ang gagastusin ko sa larong ito. Hindi naman kailangang brand new ang gamit na mga golf set, mayroon namang mabibiling second hand na maganda rin naman para sa mga beginner na tulad ko.
Medyo magastos talaga pero kung gusto mo namang matuto at mag-enjoy sa sports na ito, paghahandaan mo talaga. Sa ngayon, two months na akong naglalaro ng golf. Mahirap sa umpisa pero nakukuha naman sa sipag at tiyaga kaya madali rin akong natuto. Sa ngayon nga nakag-fairway na ako ng twice at nag-enjoy naman ako.
Bakit ako madaling natututo? Simple lang, kasi gusto ko ang larong ito. Dahil malapit lang kami sa Air Force City Golf Course sa Clark, thrice o four times a week akong naglalaro. Tatlo sa driving range at once a week sa fairway. Sabi nga mga kaibigan ko, addict na raw ako sa golf. Mukhang nakaka-adik nga ang sport na ito.
So far satisfied ako. Matindi rin ang pawis sa dalawang oras ko sa driving range at talong oras naman sa fairway. Tagaktak din ang pawis bagay na hindi ko naramdaman sa mga nakalipas na taon. Kung dati wala akong exercise sa loob ng isang linggo, ngayon 4 times week na kaya malaking bagay ito sa akin.
Hindi naman ako trying hard na magpaka-expert sa golf. No, gusto ko lang may exercise ako, hindi naman tayo bumabata kaya need nating panatilihing healthy ang ating katawan. Ang kagandahan pa sa larong ito, hindi ka prone sa injury kaya sa tingin ko, ito ang nababagay sa katulad kong edad 53 na sa ngayon.