Tutuklasin ang mga susunod na henerasyon na bayani ng cycling sa Go For Gold Criterium Race Series 1 sa March 3 sa Iconic Sacob Bridge sa Clark, Pampanga.
Kita-kits ang mga nangungunang team sa bansa at mga sumisibol na siklista sa mabilis na isang araw na karera sa sikat na kulay orange na tulay para sa pambihirang pagkakataon na iladlad ang kanilang mga tikas.
Bukod sa mga beteranong rider sa men’s at women’s under-23 at sa elite, ang saradong rutang 1.6-kilometro kaganapan ang maglulunsad din para sa mga talento sa hinaharap sa kategoryang men at women youth at sa junior.
“We want to organize safe and well run races in order to elevate the sport of cycling in the Philippines and use it as a talent identification,’’ bulalas Lunes ni Go For Gold founder Jeremy Go.
Papadrinuhan ang bikefest ng Go For Gold, Scratchit, Magene, SPN Cycle, Booster C Energy Shot, Hytera at NLEX-SCTEX. Kasama bilang partner ang Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling), Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Clark Development Corporation (CDC).
Mga atat ding pumadyak sa paalis at pabalik na racecourse ang mga sasabak sa men’s 30-39 at 40-up na magpapalobo sa mga kalahok bago sa araw ng karera na mayroon ding manager category.
Itinakda ang men under-23 at elite sa 45 minutes plus three laps samantalang ang women’s side ay 40-min. bago ang sprint sa final three laps.
Toka ang riders sa women youth sa 15 mins. + 2 laps, ang women at men junior sa 30 mins.+3 laps, sa men youth ay 25-min.+3-lap, sa men 30-39, 40-up ay 30-min.+3-lap at sa manager category ay 20 mins. + 2 laps.
“This race is not just for us, but for all teams, so we can lift up the sport of cycling in the PH together,’’ hirit pa ni Go.
Ayon naman kay Go For Gold project director Ednalyn Hualda, nagsimula na ring magparehistro ang professional squads kung saan isa ang 21-man Go For Gold cycling team sa mga kakasa.
“The Go For Gold Criterium Race Series is actually a three-leg race with the succeeding races being penciled in Cebu hopefully in July and in Mindanao either in September or October,’’ lahad ni Hualda.
At dahil sa kakapusan ng mga karera sanhi ng pandemya sapol noong 2020, hinimok ni Hualda ang iba pang mga organizer na magdaos ng maraming cycling race upang mabigyan ng pagkakataon ang mga may ibubugang rider. (Abante TONITE Sports)