Saan ang biyahe mo ngayong Semana Santa?
Sa mga maglo-long drive papuntang probinsiya ngayong Holy Week, magpa-full tank na dahil bigtime oil price hike ang sasalubong sa mga motorista ngayong linggo.
Mainam nang punuin ang gas tank ng sasakyan para makamenos sa malakihang dagdag-presyo sa petrolyo.
Bukod sa murang krudo, importante ring ma-check ang sasakyan bago bumiyahe nang malayuan.
Kabi-kabilang road crashes ang naitatala ngayon. Nitong isang linggo lang, tatlo ang nasawi nang nawalan umano ng preno ang isang jeep sa Ternate, Cavite. Tumaob ito matapos mag-overtake, dahilan para madisgrasya ang mga kasalubong na motorcycle riders.
Pag may ganitong pangyayari, sa totoo lang – kamot ulo ang may sala. Pero ang mga namatayan, laging naiiwang luhaan.
Kung tutuusin, kaya namang maiwasan ang aksidente sa daan. ‘Yan ay kung nag-iingat at may disiplina ang motorista.
Ngayong malayuan ang biyahe, dapat inspeksyuning maigi ang sasakyan. Lagi itong ipinapaalala ng mga awtoridad – BLOWBAGETS.
I-check ang baterya ng sasakyan. Huwag aalis kung alam na sisinghap-singhap na ang car battery. Siguruhing may ilaw ang sasakyan. Importante ‘yan lalo na kung aabutin ng dilim sa daan.
Tingnan ang lebel ng langis, tubig, brake system, hangin, at gasolina. Mainam din kung ipapa-check sa mekaniko ang makina ng sasakyan.
Tiyaking maayos ang mga gulong. Huwag aalis kung alam na pudpod na ito. Ang pinakamahalaga sa lahat, dapat nasa huwisyo ang magmamaneho. Importanteng nakapahinga nang husto ang driver para makaiwas sa aberya o anumang aksidente.
Kung hindi naman nagmamadali sa biyahe, mag-stopover para makapagpahinga ang driver. O di kaya, siguruhing may karelyebo o kapalitan ang driver.
Magbaon hindi lang ng snacks, pati na ng kuwento sa biyahe para manatiling gising ang lahat ng pasahero.
Ang sa akin lang, mag-ingat sa pagmamaneho. Ibig sabihin, paghandaan ang long drive. Don’t just enjoy. Your trip should be safe and sound.