“To me, the thing that is worse than death is betrayal. You see, I could conceive death, but I could not conceive betrayal.”
> Malcolm X
Maundy Thursday .
Ito ang araw na ipinagkanulo ni Hudas Iskariote si Hesus .
Sa kabila na magkasama sila araw-araw . Naging saksi sa himala . Narinig ang mga mabuting balita . Nagawa pa rin niya na ilaglag si Hesus sa kamay ng mga Punong Saserdote .
Ito rin ang araw na magsisimula ang pagliligtas ni Hesus sa kasalanan ng sangkatauhan at tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan .
At matapos ang daang libong taon , nananahan pa rin sa ating paligid ang mga katulad ni HUDAS .
Nagkataon naman na kinumpirma ni Atty. Harry Roque na pumasok sa isang ‘gentleman’s agreement’ si dating Pangulong Rodrigo Duterte at PROC President Xi Jinping kaugnay ng tensyon ng West Philippine Sea o WPS .
Ipinagkanulo ba ni Duterte ang interes ng Pilipinas ?
Kung susundan ang paliwanag ni Roque papayagan ng China ang supply mission ng Pilipinas sa pagdala ng tubig at pagkain lang sa BRP Sierra Madre at hahayaan na manatili sa WPS ang mga sasakyang pandagat ng PIlipinas .
Pero ayon kay Roque , kaya hinaharang at binobomba ng tubig ng China Coast Guard ang mga bangka ng Pilipinas ay dahil lumabag ito sa naturang kasunduan . Naniniwala ang China na may dalang construction materials ang mga supply mission ng Pilipinas .
Hindi pa malinaw kung ipinangako rin ni Duterte ang pag-aalis ng BRP Sierra Madre .
Lagi ring nariringgan ang dating Pangulp na hindi niya papayagan na makidigma sa China dahil maraming Pilipino ang mamamatay .
Marahil ito ang nakikitang paraan ni Duterte na mapanatili ang kaayusan at kapayapan sa lugar sa ilalim ng kanyang administrasyon .
Ngunit ang umano’y gentleman’s agreement’ ay hindi nagtatali sa Pilipinas sa kanyang foreign policy sa habang panahon .
Kailangan nilang makipag-usap sa bagong gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos na may ibang foreign policy .
Ngayon , balikan ko ang tanong , ipinagkanulo ba ni Duterte ang Pilipinas ?
Bawat panahon ay nangangailangan ng matinding desisyon . Bilang pangulo noon , nakikita ni Duterte ang kaligtasan ng nakararaming Pilipino at ayaw ng lumala pa ang situwasyon at mauwi sa digmaan .
Ang problema dito ay ang sariling interpretasyon ng China na tila ipinamigay na sa kanila ang WPS at ngayon ay kitang-kita na ang kanilang abuso sa naturang kasunduan .
Ito ay desisyong pansarili lamang ni Duterte at hindi dumaan sa pagsusuri ng Kongreso o pagsang-ayon ng mamamayan . Kung dumaan lamang ang kasunduan sa tamang proseso , tiyak maiiwasan ang panliliit sa atin ng mga Tsino .
Umaasa tayo na ang lahat ng pangit na resulta ng ‘gentleman’s agreement’ na yan ay mabago pa ni BBM.
Walang Personalan.