BIGONG masuntok ni dating world champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ang kanyang ikalawang pagsubok sa kampeonato matapos sumuko sa ika-siyam na round laban kay reigning World Boxing Association (WBA) bantamweight titlist Takuma Inoue matapos masapol ng uppercut sa bodega sa 12-round main event bout ng “Prime Video Presents Live Boxing 7” Sabado ng gabi sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Sumida City sa Tokyo, Japan.
Nagtapos ang pag-asang magtagumpay muli sa ikalawang weight division si Ancajas kasunod ng pagyuko nito sa bilang ni referee Mark Nelson sa 44 segundo ng naturang round matapos tamaan ng kanang uppercut sa sikmura kasunod ng ilang palitan ng suntok upang malasap ang ikaapat na pagkatalo kasama ang 34 panalo at dalawang tabla.
Nakuha ni Inoue ang kanyang ika-anim na sunod na panalo kabilang ang matagumpay na unang pagdepensa sa naunang nabakanteng titulong napanalunan kay Liborio Solis ng Venezuela noong isang taon.
Ito ang unang beses na napatumba ang 32-anyos mula Panabo City, Davao del Norte sa isang laban na unang beses ring sumabak sa bansang Japan, para malasap ang kanyang ika-apat na pagkabigo matapos mabitawan ang kanyang International Boxing Federation (IBF) super flyweight belt laban kay Fernando “Pumita” Martinez ng Argentina sa dalawang beses na paghaharap noong 2022.
Nagmistulang hindi umepekto ang plano ng mas malaki at mas matangkad na Pinoy boxer na pinuntiryang patamaan sa simula pa lamang ng laban ang bodega at tagiliran ng nakababatang Inoue, kapatid ni undefeated at undisputed junior-featherweight champion na si “The Monster” Naoya Inoue.
Samantala, hindi rij pinalad si two-time world challenger Jonas “Zorro” Sultan na makakuha ng panalo matapos maagang magtapos ang laban nito sa 51 segundo ng first round nang tamaan ng matinding suntok sa bodega ni Japanese boxer Riku Masuda sa non-title bantamweight bout sa undercard.
Tinamaan ng kaliwang straight sa katawan si Sultan na higit nitong ininda na nahirapang makabangon sa bilang ni referee Michiaki Someya.
Bumagsak ang kartada ng 32-anyos mula Tampilisan, Zamboanga City sa 19-7 at 11 panalo mula sa knockouts, habang nakabawi naman si Masuda sa pagkatalo kay Seiya Tsutsumi upang kunin ang ika-apat na panalo mula lahat sa knockout.
(Gerard Arce)