Ginawa na lang ni Lloyd Jefferson Go na parada ng tagumpay fourth at final round ng ICTSI Palos Verdes Championship Biyernes ng hapon na banderang tapos niyang pinamayagpagan, itinarak ang apat na palong kalamangan kina Michael Bibat at Guido Van Der Valk ng Netherlands kahit nag-74 sa Rancho Palos Verdes and Sports Club sa Davao City.
Naging tampok sa makinang na laro ng 28-anyos na Cebuanong produkto ng Seton Hall University ang 65 sa third round, nagdiin sa pamumuno niya sa mahalagang bentaheng 8-stroke kina Nilo Salahog, Sean Ramos at Angelo Que.
Sa kabila nang pag-urong sa final round, nanatili siyang pokus at sumunggab pa ng birdie sa par-3 17th hole para selyuhan ang pagwawagi sa 16th Philippine Golf Tour 2024 Leg 2 na hatid ng International Container Terminal Services, Inc., inorganisa ng Pilipinas Golf Tournaments, Inc. at pinadrinuhan ng Kompfortis Golf Apparel.
Sobra ang kasiyahan ni Go nang sa wakas ay maisukbit ang unang tagumpay sa pang-anim na taon bilang professional golfer. Inamin niya ang presyur pero nanatili ang komposyur, may diniskarte para makikip ang lamang sa kabuuan.
“I’ve been playing for so many years and hasn’t won,” bulalas niya na may 12-under 276 at kalakip na P350,000 premyo. “But I finally broke the barrier and I’m really happy. Now, I can say that I’m an accomplished pro.”
Binasag niya ang presyur pagka-birdie sa unang butas, nag-bogeys sa Nos. 2, 6 at 11, at nag-double bogey sa No. 5. Pero dehins na nabago ang senaryo dahil ang mga humahabol sa kanya’y kundi naubusan na ng mga butas, ang iba’y nangamote rin at nagbigay-raan sa unang titulo sa pro para sa dating national team standout.
Naghabol sina Bibat at Van Der Valk, iwan kay Go ng 12 at 13 strokes tapos ng 54 holes, ayon sa pagkakasunod. Bumira sila na nasa third-to-last flight ng pares na low rounds sa mainit na panahon.
Ang malapit sa makinis na 66 ni Bibat’s at eagle-aided 65 ng Dutch ang nagpalapit sa kanila sa tatlong tirada na lang. Pero ang sobrang laki talagang kalamangan ni Go ang nagpakapos pa rin sa kanila sa dulo.
Tumapos ang dalawa na may identical 280s at naghati sa pinagsamang P360K para sa segunda’terserang mga gantimpala.
“I was really nervous. Even though I had a big lead, I couldn’t execute my shots. But I just hung in there,” lahad pa ni Go. “There was pressure but whenever I was out of position, I didn’t force it, aiming at the middle of green and making two putts.”
Wala nang pagdududa si Go nang isalpak ang long birdie putt sa ika-17 butas, binalik sa apat ang bentahe .
“That was crucial,” aniya.
Ang panalo ang naging pambawi ni Go sa huling pagkadismaya nang nasa trangko rin tapos ng 54-hole sa ilang nakaraang PGT events, kabilang ang 2022 Eagle Ridge Invitational.
Napahulagpos din niya ang third round leads sa Asian Development Tour tourneys noong September 2022, kabilang ang BNI Ciputra Golfpreneur sa Indonesia at olats sa playoffs sa BRG Open sa Vietnam.
Pero ang mga kabiguang iyon, kasama ang dalawang mintis na cut sa Lexus Challenge sa Vietnam noong isang linggo ang nagpatibay sa kanya.
Niladlad ni Go sa linggong ito ang pamatay na porma, nagsubi ng mga yugtong 67-70-65 para lumamang ng 1-2-8 sa unang tatlong bahagi ng labanan patungo sa apat sa pinale.
Nagpakumpiyansa rin ito sa kanya sa magiging kampanya sa Japan sa susunod na linggo sa kasalukuyang misyong iangat pa ang laro at mkipagsabayan sa mapaghamon pero mayamang circuit.
Suportado ng Cebu Landmasters at Nature’s Spring, sinungkit niya ang puwesto sa Abema Tour, ang farm league ng Japan Golf Tour, sa nakaraang taong Q-School.
“That’s where I’m focusing on, together with the PGT, this year,” panapos na sey ni Go, na sasabak sa 12-stage circuit umpisa sa Novil Cup sa April 3-5 sa J. Classic Golf Club sa Tokushima Prefecture.
Humabol din si Keanu Jahns sa 69 para buhulan si Salahog, kumartada ng71, sa pang-apat sa 281, pinarehasan ni Ira Alido ang par 72 sa ikalawang dikit na araw at pumang-anim sa 283.
Bumuwelo si Randy Garalde sa 68 para sumalo sa seventh sa 284 kasama sina Que ant Ramos, na mga nangapa sa tig-74, habang may 70 si Tony Lascuña at si Rupert Zaragosa nag-71 upang soyohan si Reymon Jaraula, nadulas sa76, sa 10th place sa 289s.
(Ramil Cruz)