Dahil hindi sumipot sa pagdinig ng Senado kaugnay sa alegasyon ng human trafficking at pang-aabuso, magpapalabas na ng subpoena ang kapulungan laban kay Pastor Apollo Quiboloy para mapilitan siyang dumalo. Ang tanong ng mga tropapips natin, ma-stop! kaya ng “anak ng diyos” ang imbestigasyon laban sa kaniya?
Puna ng mga tropapips natin, mukhang nagbago na ang ihip ng hangin kay Quiboloy mula nang matapos ang termino ng kaniyang BFF na si dating President Mayor Digong Duterte.
Dati kasi, laging nakatawa at masaya si Quiboloy kapag nakikita sa telebisyon na kasama ang dating pangulo. Pero kamakailan lang, nakitang uminit ang ulo niya at tinawag na “pobre” at “prostitute” ang mga nag-aakusa sa kaniya.
Iniimbestigahan ngayon ng Senado si Quiboloy tungkol sa alegasyon ng mga dati niyang miyembro sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ng pang-aabuso sa mga babae at sangkot daw sa human trafficking. May mga miyembro rin daw na pinagbebenta ng kung anu-ano at inireremit sa kaniya ang kita.
Bukod doon, pinapatigil din ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) kasunod ng ipinataw nilang suspension order dahil umano sa paglabag sa prangkisa.
Bagaman may programa sa naturang TV network si Quiboloy, dati nang itinanggi ng kaniyang abogado na hindi ito ang may-ari ng SMNI, na pinamamahalaan ng Swara Sug Media Corporation. May mga napapaisip tuloy kung matulad daw kaya ang SMNI sa naging kapalaran ng ABS-CBN na nawalan ng prangkisa, at mauwi sa pagiging “content creator” at online media.
Pero ang higit na aabangan ng mga tropapips natin at ng maraming utaw eh kung yuyuko ba ang “son of god” sa subpoena ng Senado para humarap sa pagdinig at sagutin ang mga alegasyon na ibinabato ng mga dati niyang miyembro.
Sa pagdinig ng komite sa Senado kamakailan, aba’y mayroon pang dalawang Ukrainian na babae na dati rin daw na miyembro ng KOJC na napagsamantalahan din umano ni Quiboloy sa tinatawag na “night duty” kung saan nakatoka silang magmasahe.
Hindi ito ang unang pagkakataon na inakusahan si Quiboloy nang pang-aabuso sa mga babae na natotoka sa “night duty.” May kinakaharap din siyang kaso sa Amerika kaugnay sa mga bintang na conspiracy to engage
in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; and bulk cash smuggling.
Ang mga kasong `yan, makikita mismo sa website ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng US, kung saan nakalista si Quiboloy sa kanilang mga wanted person. Kaya naman kasama rin sa mga tanong ng mga tropapips natin eh kung may request ba ang US sa Pilipinas na arestuhin si Quiboloy at ipadala sa kanila para malitis nila?
Kasi nga naman, kung may request ang US at biglang lulutang si Quiboloy para dumalo sa pagdinig ng Senado, malamang na makapanood ang mga utaw na inaaresto ang “anak ng diyos”. Kapag nangyari `yon, may hahalik ba muna sa pisngi ni Quiboloy bago siya dakpin?
Pero baka naman daw hindi siputin ni Quiboloy ang Senado dahil baka nakita niya ang nangyari sa lider ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) or “Socorro” na si Jey Rence Quilario, o si “Senior Agila,” na idinetine dahil may mga tanong na hindi niya sinagot o hindi nagustuhan ng mga senador ang kaniyang sagot.
Kung hindi magagawa ni Quiboloy na mapa-stop! ang pagdinig ng Senado gaya ng ginawa niyang pagpapa-stop! sa lindol sa Mindanao noong 2019, ano kaya ang puwede niyang gawin para hindi siya maobligang humarap sa mga senador?
Hirit ng ilang tropapips natin, baka umubra ang biglang nagkasakit o ooperahan. Pero huwag na raw maglagay ng neck brace na may kasamang wheelchair. Tandaan: “Bata mo `ko at Ako ang Spy n’yo.”