Natutuwa ako sa mabilis na aksiyon ng pamunuan ng Clark Development Corporation sa ginawang nating kolum ilang linggo na ang nakakaraan tungkol sa mga motorista, lalo na `yung mga walang disiplinang big bike riders at mga driver ng sports cars na sinusuway ang traffic rules and regulations sa loob ng freeport zone.
Nito kasing nagdaang mga buwan, ginawang racing track ng mga big biker ang ilang mga major road sa loob ng Clark na nagiging banta sa safety ng mga residente, manggagawa at mga motorista.
Dati-rati kasi, hinahayaan lang ng mga traffic enforcer ng CDC ang mga pasaway na rider na ito at hindi man lang hinuhuli kahit na kitang-kita na may paglabag sa traffic rules partikular ang 60kph na speed limit sa lahat ng kalsada sa loob ng Clark.
Dahil madalas ako naglalaro ng golf sa Air Force City, napansin ko na sobrang aktibo na ngayon ng mga traffic enforcer sa pagbabantay sa mga overspeeding na mga motorista, mapa-big bike man o four-wheeled na mga sasakyan. Buti naman. Dati-rati kasi napabayaan na nila kaya dumami ang pasaway na mga motorista.
Hindi lang isa kundi isang team sila at isa sa kanila ay may hawak na speed gun set na ginagamit sa pag-check sa mga pasaway ng mga driver. Buti naman at muling pinaigting ang traffic enforcement sa loob dahil napakadelikado naman talaga nito lalo na itong mga makukulit na big bike riders na sobrang angas sa pagpapatakbo na akala mo’y kanila ang kalsada.
Nagkalat naman ang mga traffic sign tulad ng 60kph na speed limit pero ini-ignore lang nila. Okay lang naman na lumampas kahit 65 o 70 kph pero tumakbo ka ng 80 hanggang 100 kph, aba’y peligro ang dulot nito.
Buti pa ang mga cyclist masunurin sa traffic rules at talagang nanatili sa kanilang lane pero itong mga big bike rider, nuknukan ng tigas ng ulo at ino-occupy ang lahat ng lanes ng mga kalsada. Pasaway `di po ba?
Nito lamang nagdaang mga araw, nakita ko na ilang motorista ang hinarang dahil sa overspeeding. Good job. Kaya lamang marami pa ring nakakalusot, lalo na siguro iyong mga first time lang na nakapasok sa loob ng Clark.
Bagama’t maraming traffic enforcers, iisa lang sa kanila ang may hawak na speed gun. Mas maganda siguro kung dalawa bawat intersection para marami pang mahuling mga traffic violator. Kung mas mapapaigting pa itong mabuti, magiging aware ang mga motorista, lalo na iyong bagong dayo pa lang sa freeport zone.
Iyong mga sanay na sa Clark, lalo na ang mga taga-Pampanga, hindi problema dahil alam nila ang traffic rules sa loob. Kaya mas mainam na maglagay ng malaking karatula o billboard na “Clark Freeport, A Traffic Zone”, observe speed limit.
Siyempre dapat walang exemption lalo na ang mga big bike rider at mga owner ng mga sports at supercar.