Naimbitahan ako ng DepEd Zambales noong isang linggo para mag-judge ng kanilang TV Broadcasting contest na bahagi ng Division Schools Press Conference 2024.
Ang principal ng host-school kung saan ginanap ang kompetisyon, nataong may palayan. Sa aming kuwentuhan, hindi na niya itinago ang pagkalugi ng kanilang negosyo. May anim na buwan na raw na walang ulan sa kanilang lugar. Kaya ang taniman, tuyung-tuyo. Ang resulta – lugi nang husto dahil wala ni isang inaning palay.
Ramdam na ng mga magsasaka ang epekto ng matinding tagtuyot na dulot ng El Niño. Ang tubig na pang irigasyon kasi, sa mga bahay-bahay dinadala para may panggamit sa araw-araw na pangangailangan.
Kaya tayong mga consumer, tipid-tipid sa paggamit ng tubig.
Upang maiwasan at mabawasan ang pag-aaksaya ng tubig, narito ang ilang tips:
Ipaayos ang lahat ng tumatagas na tubo, tangke at gripo upang maiwasan ang pagkawala ng tubig.
Sakaling umulan, mangolekta ng tubig-ulan; siguruhing itabi ito nang maayos para maiwasan na pamugaran ng mga lamok na nagdudulot ng dengue.
Patayin ang gripo habang nagsisipilyo, naghuhugas ng mukha o nag-aahit.
Maligo nang mas maikli at iwasang magpalit ng tuwalya araw-araw.
Maglaba ng isang buong ‘load’ ng mga damit upang mabawasan ang paggamit ng tubig, kuryente at sabon.
Gamitin ang tubig na pinagpaliguan at pinaglabahan para i-flush ang palikuran, linisin ang garahe, at diligan ang mga halaman.
Huwag hayaang umagos ang gripo habang naghuhugas ng bigas, prutas, at gulay.
Palambutin magdamag sa labas ng refrigerator ang frozen meat at hindi sa tubig na tumatakbo.
Ang sa akin lang, kailangang maging responsable sa pagkonsumo ng tubig para hindi makaranas ng water supply shortage ngayong pinangangambahan ang matinding epekto ng El Niño sa buong bansa.