Kilala ang Clark Freeport sa Pampanga bilang ‘discipline zone’ kung saan talagang ang lahat ng motorista at driver ng public transportation ay sumusunod sa traffic rules and regulations.
Kung first time mo palang Clark Field, maninibago ka dahil talagang sinusunod ang 60kph sa lahat ng lansangan sa loob. Makikita mo naman sa mga road sign kaya dapat aware ka kung bago ka para maiwasang mahuli. Nagkalat kasi ang CCTV sa lahat ng kalsada kaya kita sa traffic monitoring center nila ang mga violator.
Noon, hindi pa masyado maraming motorsiklong pumapasok sa loob ng Clark, kokonti lang. Karamihan nga mga manggagawa na pumapasok sa factories, sa hotel and casino at iba pang establishment sa loob lang naka-motor, ang ilan naman ay naka-bike.
Dalawa hanggang tatlong lanes ang mga daan, meron din namang lane para sa motorcycles at bikes na nasa outermost lane kaya maayos ang daloy ng trapiko, walang trapik. Noon iyon, pero ngayon iba dahil marami na ring pasaway na mga riders at motorista na lantrang sinusuway ang traffic laws sa loob ng Clark Freeport Zone.
Madalas kasi ako sa Clark dahil naglalaro ako ng golf sa Air Force City kaya naobersabahan ko ang flow ng traffic kasama na diyan ang mga violator ng traffic laws. Meron pa ngang diskriminasyon na nangyayari dahil tila pinapaboran ang mga big bike, luxury car, at mga racing car.
Noon kasi sobrang istrikto sa Clark, tumakbo ka lang ng 80 kph o 100kph, sigurado may nakabuntot na sayong traffic enforcer at sigurado titiketan ka. Pero ngayon parang wala ka nang makikita. Halos sa main gate na lang ng Clark makikita ang mga traffic enforcer at doon nag-aabang ng mga violator.
Isa sa pinagkakaabalahan ng mga traffic enforcer ay ang paninita sa mga motorista na pawang mga nagtatrabaho naman sa loob ng Clark. Madalas tinitingnan ang rehistro ng motor. Trabaho ba nila iyon? Pero `yung mga big biker, kahit tumatakbo ng lagpas sa 60kph ay hindi nila sinisita. Parang may diskriminasyon `di ba? Hinaharang ang mga small motorcycle rider, pero `pag big bikes, walang exempted?
Minsan nga sinita at tinanong ko ang mga security guard at mga traffic enforcer sa main gate ng Clark kung bakit hindi nila hinaharang ang mga big bike rider gayong mabilis ang takbo nila, siguro mga 80-100 kph sa mga kalsada sa loob.
Hinuhuli naman daw nila, pero hindi ako naniniwala dahil marami akong nakita na pinapalampas lang nila. Para bang aliw na aliw o tuwang-tuwa ang mga traffic enforcer/security guard na panoorin lang sila kahit na alam naman nilang sinusuway na ang traffic regulation sa loob ng Clark.
Same din naman sa mga racing car. Minsan isang grupo sila mga 12-15 cars ata ang nakasabay ko at dahil mabilis nga sila, ako pa ang nahiya at nagmenor para pagbigyan sila at mauna. May pagkakataon ngayong magugulat ka na kina-cut ka nila kaya kung mahina ang mata mo, baka masagi mo sila o ikaw ang masagi.
Hindi naman sila nagre-race pero tumatakbo sila ng 80 hanggang 100 kph samantalang kami eh sinusunod ang speed limit sa loob. Sabagay, para sa kanila mabagal iyon. Pero Freeport Zone nga `yan, may sariling traffic regulations at dapat sumunod sila.
Noong hawak pa ng mga Kano ang Clark Air Base, doon matino noon dahil hindi tino-tolerate ng mga kano ang road abuses. Pero ngayon iba na. Sana ibalik na nila ang istriktong pagpapatupad ng traffic rules sa loob.
Ang nakikita kong problema, kulang sa tao, kulang sa traffic patrollers/enforcers ang Clark Freeport Zone. Baka nagtitipid. Kasi nga naman 4,400 hectares ang buong lugar, napakalaki kaya hindi kakailanganin ng maraming enforcer para mabantayan ang lahat ng kalsada sa loob. Sana ayusin nila `yan para maiwasan ang aksidente sa loob ng Clark.