Sa anumang laban ng buhay, hindi lahat panalo. Meron at merong natatalo.
Kahit ang tie o tabla sa pa-contest, muling pinaghaharap para makuha ang totoong kampeon.
Madalas akong maimbitahang maging trainer-judge ng mga campus journalist na lumalaban sa journalism and broadcasting contests.
Mahirap ang trabaho ng isang hurado. Masakit na makitang uuwing luhaan ang mga talunan. Habang ang mga nakakuha ng kampeonato, siguradong nakangiti nang todo-todo.
Paano nga ba tanggapin nang maluwag sa loob ang pagkatalo? ‘Yan ang paksang gusto kong pagtuunan.
Aminin man natin o hindi, mahirap isiping may mas magaling at mas mahusay sa atin. Sa madaling salita, mahirap tumanggap ng pagkatalo.
Maging ako, nakaranas din ng pagkatalo noong high school. Pambato man ako ng aming eskuwelahan sa mga kompetisyon sa labas, lagi naman akong talo. May pagkakataon pa ngang na-mental block ako sa gitna ng oratorical contest. Kaya ang peg ko noon – ang linya sa kantang ‘Just Once’ ni James Ingram, ‘I did my best but my best wasn’t good enough’. Pero ni minsan, hindi ko sinisi ang sarili ko sa nangyari.
‘Yan din ang payo ko – huwag sisihin ang sarili o team members sakaling hindi kayo palaring manalo. Ang mahalaga, ginawa mo ang lahat at na-enjoy n’yo ang contest. Hindi pa katapusan nang mundo. Kaya marami pang pagkakataong bumawi.
Magpakita ng sportsmanship. I-congratulate ang mga nanalo sa pamamagitan ng pakikipag-kamay sa kanila.
Maging positibo rin sa buhay. Natalo man, ang mahalaga – humihinga ka pa at malakas ang pangangatawan.
Importante ring isa-isahin ang mga mabuting naidulot ng contest sa’yo bilang tao. Tiyak akong na-develop ang people skills mo. Marami kang naging kaibigan sa paligsahan.
Normal lang namang ma-upset. Kung naiiyak, huwag itong pigilan. Mas mainam na mailabas mo ang sama ng loob. Mahalaga na may support system – ‘call a friend’, ika nga. Nandyan ang pamilya at mga kaibigan mo na handang making sa’yo.
Kung minsan, sa pagkatalo ka pa makahahanap nang paraan para manalo sa susunod na laban. Kailangan mo lang talagang pag-aralang mabuti ang pangyayari.
Ang sa akin lang, manatiling positibo sa buhay. Wala dapat sa bokabularyo mo ang pagkatalo. Kapag nadapa, matutong bumangon para muling lumaban.