Karaniwan na kapag natapos sa termino ang isang Pangulo ng Pilipinas, siya ay nag-aambag pa rin ng kanyang talento kung hihingin ng bagong upong presidente o ng mga susunod pang lider ng bansa. Mula sa pagiging politiko, nagiging statesman na sila.
Ganyan ang naging papel ni dating Pangulong Fidel V. Ramos kaya kahit noong nawala na siya sa poder, marami ang tumitingala sa kanya at hinihingan ng payo. Dito nakita ang pagmamahal niya sa Pilipinas kahit wala na siya sa Malacanang.
Iba naman ang kinahihinatnan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, ang ika-16 Presidente ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022 na nanumpa noon na ipagtatanggol ang bansa. Higit isang taon matapos mawalan sa puwesto, isinusulong naman niya ang pagkalas ng Mindanao sa Pilipinas.
Kinastigo rin niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at inakusahang gumagamit ng ilegal na droga. Makalipas ang ilang araw, nagpaliwanag ito na kaya lang niya nasabi ito ay dahil sa isinusulong na Charter change.
Sinabi rin ni Duterte na hindi niya isinusulong ang giyera sa pagkalas ng Mindanao kundi sa mapayapa at legal na paraan. Kawawa raw kasi ang isla pagdating sa distribusyon ng tulong ng gobyerno.
Marami ang hindi naniwala sa pinagsasabi ng dating Pangulo. Isa na rito si dating Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano. Sabi niya, noong naging Presidente ng Pilipinas si Duterte, bumuhos ang pondo sa Mindanao lalo na sa Davao City.
Kung hindi raw ito naramdaman ng mga taga-Mindanao, dapat daw na magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara de Representantes kung saan napadpad ang mga pondong ito.
Bukod diyan, naging Speaker ng Kamara sa panahon ni Digong si Pantaleon Alvarez bagamat nasipa ito ng taga-Pampanga na si dating Pangulong Gloria Macagapal-Arroyo. Ang unang Senate President ni Digong noon, si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na taga-Cagayan de Oro City. Ngayon, isa ring Mindanaoan ang pinuno ng Senado na si Senate President Juan Miguel Zubiri na taga-Bukidnon.
Sabi ni Alejano, huwag dapat paniwalaan ang mga pinagsasabi ni Digong dahil nagsa-psy war lang ito. Kinakabahan kasi ito na baka isang araw, damputin na lang siya ng International Criminal Court (ICC) at dalhin sa kulungan sa Europe.
Maaaring nag-psy war din ang administrasyong Marcos, tinesting nila kung hanggang saan ang pasensiya ng dating Pangulo. Eh ang nangyari, pumutak ito nang pumutak at kumuyog pa ang dalawang anak. Ngayon, alam na ng Pangulo na puwede siyang tuklawin ng itinuturing niyang kaalyado sa politika.