Malinaw sa ginawang imbestigasyon ng Senado sa Davao na pinamunuan ni Senadora Imee Marcos kung sino ang isa sa mga pasimuno sa pagpapapirma sa mga residente para isulong ang kontrobersiyal na People’s Initiative (PI).
Ikinanta ng ilang ipinatawag sa imbestigasyon ng Senado ang PBA Partylist at pinangalanan mismo ang isa sa kinatawan nito na si Atty. Migs Nograles na nauna nang umalma.
Sa ilang ulat, nasa US umano itong kinatawan ng PBA partylist kaya’t imposible ang pagkakakaladkad sa kanya sa pirmahan.
Ayon sa lumantad na ilang residente ng Davao at naatasang mangolekta ng pirma. Binayaran umano sila ng P4,000 kapalit ng pangangalap ng tig-250 pirma sa mga residente.
Hindi naman naging malinaw sa imbestigasyon kung naambunan ang mga kinuhanan ng pirma ng mga naatasang maging coordinator.
Kung aambunan ang mga pumirma ay lalabas na P16 lamang ang bayad sa kanilang pirma. Ito ay dahil sa P4,000 ibabayad sa kanila para sa 250 pirmang kokolektahin.
Malamang ay wala pang ganansiya ang mga pumirma sa inilabas na budget. Posibleng budget lamang ang P4,000 sa mga naatasang coordinator.
Puwedeng laway muna ang ipinangako sa mga pumirma at nakumbinsi dahil sa matatamis na pangako ng mga coordinator.
Nakakalungkot ang ganitong mga galawan sa gobyerno. Malinaw na may ilan pa rin tayong kababayan ang handang isakripisyo ang kinabukasan ng bansa para sa kanilang pansariling interes.
Ang sa akin, hindi dapat palagpasin ng Kongreso at Senado ang pagkakakaladkad sa PBA Partylist.
Pigain at panagutin ang bagitong kinatawan ng PBA Partylist dahil hindi ito mabuting ehemplo.
Huwag sanang isantabi ng Senado at Kongreso ang lumabas na impormasyong ito dahil maaring may magtangka pa sa mga susunod na pagkakataon lalo na’t hindi naman pala pinapatawan ng parusa ang mga promotor ng ganitong klaseng galaw sa politika.
Pero ang tanong ng karamihan, ang PBA partylist lang ba talaga ang pasimuno sa pirmahang ito?