Muling nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi papasok sa anumang kasunduan para magkaroon ng joint exploration sa West Philippine Sea (WPS) kung hindi rin lang naman kikilalanin ang soberanya ng bansa.
Sinabi ito ng Pangulo kaugnay sa pahayag kamakailan ng China National Offshore Oil Corporation (CNOOC) na may nadiskubre silang mina ng langis sa WPS na umaabot sa 100 milyong tonelada.
Sa kanyang press conference sa Czech Republic noong Biyernes ng gabi (oras sa Pilipinas), tinanong si Pangulong Marcos kung bubuhayin ba nito ang negosasyon para sa joint exploration ng Pilipinas at China dahil sa nadiskubreng langis.
“Well, look, once again, the sovereignty and the sovereign rights and our territorial jurisdiction remain the key in all of these talks, and we cannot, we cannot at any point, somehow compromise the territorial integrity of the Philippines,” pahayag ng Pangulo.
“So that is going to be the main principle behind any kind of talks that we might have. So, depending on areas that we are talking about, that will come into play. So let me leave it at that. That is the guiding principle that I’m following whenever it comes to all of these things,” paliwanag pa niya.
Marso 8 inanunsyo ng CNOOC na may nadiskubre silang bagong reserba ng langis sa Kaiping South Oilfield.
Samantala, itinanggi rin ni Pangulong Marcos na ang bansa ang dahilan ng gulo sa WPS.
Inihayag ito ng Pangulo matapos manawagan noong Huwebes si Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin sa Pilipinas na itigil umano ang panlilinlang sa international community at ginagamit pa ng bansa ang isyu sa WPS upang mag-udyok ng alitan.
Binalikan ng Pangulo ang Chinese spokesperson at sinabing wala siyang alam na anumang pagkakataon na naging pasimuno ang Pilipinas ng gulo sa WPS.
“We did not begin all of these problems. All of these commotions were not caused by the Philippines. So, I don’t know what they are referring to,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.