Panahon na upang rebyuhin ang tinatawag na ayuda o cash aid program ng gobyerno na sinasabing tulong para sa mga mahihirap na mamamayan.
Tila naabuso ang nasabing programa sa ayuda dahil marami ang nakakalusot na hindi naman kuwalipikado na tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno.
Ngayong natapos na ang pandemya na dulot ng COVID-19 ay makakabuting himayin muli ang mga cash aid program ng gobyerno na laging nakatuon sa mga mahihirap na mamamayan na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Maliwanag ang layunin na pantawid o pansamantala lamang ang tulong pinansiyal na ito ng gobyerno upang makaahon sa kahirapan ang sinasabing pinakamahirap na Pilipino.
Pero sa takbo ng mga kaganapan ngayon ay lalo pang dumadami ang ayuda tulad ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at iba pa.
Bilyon-bilyong piso ang pondo na inilalaan ng gobyerno sa mga sangkaterbang cash aid program na ito na dapat ay makakabuting ilaan na lamang sa paglikha ng pagkakakitaan o trabaho ng mga Pilipino.
Marami tayong nakikita na miyembro ng 4Ps na ang ayuda ay napunta sa bisyo tulad ng alak, droga at sugal kaya nauuwi sa wala ang layunin ng programa.
Mas makakabuting bigyan na lang ng pagkakataon ang mga Pilipino na maghanapbuhay kaysa umasa na lang sa ayuda mula sa gobyerno.
Sa panahon ng pandemya ay mauunawaan natin na dapat lang may ayuda dahil marami ang nagsarang establisimiyento at negosyo na nakaapekto sa pamumuhay ng lahat.
Pero ngayong nagbalik na sa normal ang sitwasyon at nagbukas na ang mga negosyo at umuusad na ang ekonomiya ay itigil na ang napakaraming ayuda at higpitan ang proseso na tiyakin na ang makikinabang dito ay ang mga tunay na mahihirap at walang kakayahan na maghanapbuhay.
Ayon nga sa Bibliya, ang tao ay kailangang maghanapbuhay upang kumain at hindi dapat kunsintihin ng gobyerno na maging tamad at palaging aasa sa ayuda ng gobyerno.