Nakakawindang itong bagong rebelasyon ni Roy Cabonegro ng Makakalikasan Party tungkol sa epekto ng climate change. Ang mga climate extremes pala, tulad ng heatwave, matinding tag-tuyot, sobrang malalakas na pag-ulan, ay nagreresulta sa mga landslides, tulad na lang ng nangyari kumakailan sa Maco, Davao de Oro.
Ayon kay Cabonegro, umabot na tayo sa point-of-no-return kung saan dapat na nating harapin na talagang nagbago na ang panahon at dapat na din nating baguhin ang ating mga panuntunan at polisiya pagdating sa pagharap sa mga sakunang may kinalaman sa climate extremes — o iyong grabeng epekto ng climate change.
Kung noong una akala natin na kapag nagtanim tayo ng puno ligtas na tayo sa landslide, ngayon pala hindi na sapat ito. Ito ay sapagkat apektado na ng climate extreme ang integridad ng lupa sa ating mga kabundukan. Kung noong una, kapag bumuhos ang ulan ay kaya pang sipsipin ng mga puno ang sobrang tubig sa bundok. Ngayon, sa sobrang dami ng tubig na ibinubuhos ng mga ulan, hindi na ito kayang sipsipin ng mga puno kaya nagiging lugaw ang mga lupang kinakapitan ng mga ito.
Kumbaga, yung ulan na dapat pang-isang buwan lang, ibinuhos na lahat sa loob lang ng isang araw. Ang resulta, landslide tulad nitong sa Barangay Masala, Maco, Davao de Oro.
Ito na kumbaga ang new normal pagdating sa kalikasan: Climate extreme, sunod-sunod na El Niño at La Niña na dati ay dekada ang binibilang bago maulit, at pati na ang mga resulta nito na malalakas na ulan, malawakang pagbaha at pagguho ng lupa, super typhoon na may hatid na delubyo, at mga sakunang sa end of the world movie mo lang noon napapanood.
Kaya sang-ayon tayo dito sa adbokasiya ni Cabonegro na dapat umaksyon na ang gobyerno kontra climate change. Tama si Cabonegro na dapat seryosohin ng gobyerno ang pagtugon sa climate extreme sapagkat ito ay lumala na bilang isyung pampolitika. Buhay, kaligtasan at kinabukasan na ng mamamayan ang pinag-uusapan natin dito.
Marapat lang na pakinggan natin ang panawagan ni Cabonegro na dapat lahat ng LGU ay may Local Climate Change Action Plan upang hindi tayo maging bulag at sablay sa pagtugon sa mga problemang lilikhain pa nitong climate extremes sa hinaharap.
Huwag na natin hintaying abutin ng delubyo bago umaksiyon.