Mukhang mapapabilis ang takbo ng legalization ng motorcycle taxi sa bansa dahil mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang nag-utos sa Kongreso na paspasan ang pagsasaligal nito.
Prayoridad na sa Kamara de Representantes ang Houses Bill No. 3412 ni 1-Rider Party-list Reps. Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita na layong gawing legal ang motorcycle taxi (MC taxi) bilang public transportation vehicle.
Matagal na itong inaasam ng mga pumapasada sa industriyang ito. Ang pagkakaalam natin, kasali ang Angkas, Joyride at Move It sa Motorcycle Taxi (MC Taxi) Pilot Study. Mukhang may nag-overtake sa kanila na ilang taon nang kumakatok sa gobyerno para maging legal ang mga MC Taxi.
Naglabas ng resibo ang Department of Transportation- Technical Working Group (DOTr-TWG) na ang mga nabanggit na kompanya ang kasali sa MC Taxi Pilot Study. Ang resibo ay nilabas mismo ng chairman ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Teofilo Guadiz III.
Nagsalita rin si Atty. Ariel Inton, Founder of Lawyers for Commuters Safety and Protection, na hindi raw dapat pinapayagan ng gobyerno na mabali ang pinaiiral na patakaran. Kapag napaboran kasi ang isang kompanya, hindi malayong maghari sila sa app-based transportation system.
Ibig sabihin nito, magkakaroon ng monopolya sa industriya imbes na magkaroon ng patas na kompetisyon. Kapag may monopolya, olats ang mga mananakay dahil wala silang chance na pumili ng iba sakaling may reklamo sila.
Paano na lang kung sa tingin ng mga mananakay ay sobra ang singil sa kanila? Bahala na ang Philippine Competition Commission (PCC) dahil sila ang may karanasan at kapangyarihan para ipairal ang baston.
Maging si John Jay Chan, convenor ng National Union of Food Delivery Riders naalarma na may hindi tumatalima sa kautusan ng departamento ng transportasyon lalo na ang diumano’y may koneksiyon sa Palasyo.
Sa industriya ng transportasyon, Jurassic na ang estilo ng ‘kabit’ sa prangkisa. Pero mukhang nagamit uli ang estilong ito.
Noon pang 2021 unang nilabas ng DOTr-TWG ang kanilang desisyon at muling pinaalala nito lamang Pebrero 2024.
Nanawagan na ang ibat-ibang transport industry group sa mga government regulator at mga mambabatas na maging patas naman sa MC Taxi. Para saan pa ang pagpapairal ng mga regulasyon kung hindi naman ito nasusunod?