Mga laro sa Linggo:
(Smart Araneta Coliseum)
3:00pm – NLEX vs Terrafirma
6:15pm – Converge vs NorthPort
IKINAMADA ni Bong Quinto ang first 7 points ng Meralco sa overtime at ipinagpag ng Bolts ang Rain or Shine 121-117 sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum Sabado ng gabi.
Angat sa 1-1 ang Bolts, nabaon sa 0-2 ang Elasto Painters.
Sa record ni chief statistician Fidel Mangonon III, 6-0 na ang Meralco sa mga larong napuwersa ng extra period sapul noong 2022 Commissioner’s Cup.
Lumamang hanggang 49-35 ang Meralco sa second quarter pero tinapos ng RoS ang period sa 7-0 run para idikit 49-42 sa break, inilapit pa 80-77 pagkatapos ng three.
Binasag ng tres ni Anjo Caram ang deadlock sa 95 kulang 4 minutes pa sa laro, inagaw ng Painters 100-98 sa free throws ni Santi Santillan mula sa sixth foul ni Chris Newsome.
Ang split din ni Quinto ang nagbuhol sa 102-102, nagkaroon ng tsansa ang RoS na agawin ang panalo pero malakas ang pektus ng drive ni Andrei Caracut.
Sinindihan ng 7 straight ni Quinto at tres ni Maliksi ang 10-2 start ng Bolts sa OT, huling lumapit ang Rain or Shine 117-114 sa 5 straight din ni Adrian Nocum bago pinalitadahan ng split ni Maliksi ang final tally.
Tumapos si Maliksi ng 26 points, tig-16 sina Torres, Newsome, Cliff Hodge at Quinto. May 11 rebounds si Newsome, 10 kay Hodge at namigay si Quinto ng 6 assists.
Tapon sa basurahan ang season-high 29 points ni Nocum, 13 dito sa OT. Umayuda ng 25 si Santi Santillan sa Painters.
Sa first game, inupuan ng Blackwater ang early lead sa torneo 2-0 nang umpisahang kontrolin ang laro sa second quarter hanggang biktimahin ang heavyweight TNT 87-76.
Inangklahan ng 20 points ni Troy Rosario ang Bossing, may 15 points, 7 rebounds, 8 assists si RK Ilagan na nag-start sa point at umako sa pagkawala ni Rey Nambatac, inabot ng ankle sprain 5 minutes pa lang sa laro.
Napigil sa 1-1 ang Tropang Giga. (Vladi Eduarte)