Sa gitna ng palalim na palalim na hidwaan sa pagitan ng mga kampo ni Presidente Bongbong Marcos Jr. at pamilyang Duterte, nag-aastang oposisyon na ang paksyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. “One nation, one opposition” daw.
Kung dati, noong rurok ng kanilang kapangyarihan, sila ay ang nagtutulak ng charter change, ngayon, sila ay tutol na rito. Kung dati, galit na galit ang mga Duterte sa mga nagra-rally at tinatawag pa ang lahat na sumasali na mga komunista at reklamador, ngayon, sila na ang tila nangunguna sa mga protesta. Kung dati, inaatake nila ang media freedom at pinasara pa ang ABS-CBN, ngayon, defender na sila ng free press sa isyu ng SMNI. Hanep, ano? Ang lahat ng kanilang sinuka ay kinakain na nila. Yuck!
Huwag na tayo magpatumpik-tumpik pa, pekeng oposisyon ang mga Duterte. Una, saan ka naman nakakita na anti-charter change advocate ngunit ang solusyon ay unconstitutional? Kung matatandaan natin, sa Davao rally, binantaan ni Digong ang kampo ni BBM ng isang military coup. Yan ba ang constitutional defender? So, ang sagot ni Digong sa paglapastangan sa ating konstitusyon ay paglapastangan din niya? Amazing logic! At kailan pa naging constitutional defender ang isang self-confessed na extrajudicial killer? Pumapatay ng labas sa batas at labag sa karapatang pantao ngunit constitutionalist?
Pangalawa, paano naging oposisyon ang mga Duterte eh nasa iba’t ibang antas sila ng kapangyarihan? Si Sara Duterte ay Vice President. Si Paolo “Pulong” Duterte ay kongresista. Si Sebastian “Baste,” Duterte ay mayor. Isama pa diyan ang kanilang mga loyalista sa Senado gaya nina Senators Bato Dela Rosa at Bong Go, at alyado gaya ni Senator Imee Marcos at Rep. Gloria Macapagal Arroyo. Ang mga Duterte ay isang dominanteng paksyon ng naghaharing uri na may malalim na away sa dati nilang mga kaalyado. Hindi ito kwento ng pang-aapi o pag-uusig gaya kay Senator Leila De Lima. Kwento ito ng agawan sa kapangyarihan at pagtakas sa pananagutan.
Pangatlo, paano naging oposisyon ang may patong-patong na kaso sa International Criminal Court (ICC) dahil sa libo-libong namatay dulot ng kanilang madugong war on drugs. Maituturing ba na oposisyon sina Digong na sa mata ng buong mundo ay mga mamamatay tao, at sa mga darating na buwan ay lalabasan na ng ICC ng arrest warrants at magiging mga pugante na sa buong mundo?
Sa totoo lang, nag-aasta lamang na oposisyon ang mga Duterte bilang bahagi ng kanilang giyera laban sa kampo nina BBM. Nag-umpisa ang bangayan ng mabuko ang bantang pagpapatalsik diumano kay House Speaker Martin Romualdez mula sa kampo nina GMA at VP Sara. Bilang ganti, lumambot ang posisyon nina BBM ukol sa ICC na nagbukas ng malaking posibilidad ng pagka-aresto kina Digong. Bukod dito, banta sa mga Duterte ang cha-cha dahil isasara nito ang mga darating na halalan na siya dapat magiging daan para maging halal na pangulo si VP Sara sa 2028.
Kaya ito ang hamon sa tunay na oposisyon. Huwag nilang hayaan na agawin ng mga Duterte ang espasyo na dapat ay sa kanila. Hindi ito ang panahon ng pananahimik, bagkus dapat ay magpalakas at magkaisa. Ito ang oportunidad para ipakita ang kanilang liderato, paninidigan at alternatibo. Hindi nilang kailangang mamili sa dalawang kampo. Sikapin nilang maging “viable alternative” para piliin sila ng tao. Ang oposisyon ay tunay kung handa nila itong isabuhay.
Sa huli, dapat patuloy na maging mapagmatyag ang mamamayan. Huwag tayong malito. Habang sama-samang tinututulan ng lahat ang charter change sa pamamagitan ng isang pekeng people’s initiative (PI), dapat din nating labanan at ilantad ang mga Duterte bilang mga pekeng oposisyon. Talo ang mamamayan sa pekeng people’s initiative at pekeng oposisyon. Maliwanag ang hamon sa mamamayan sa yugtong ito: talunin ang cha-cha. Panagutin ang mga Duterte.