Painit ng painit na ang pagtutulak para baguhin ang ating saligang batas.
Pagbukas pa lamang ng Enero, umiikot na sa iba’t ibang mga distrito at barangay ang mga nagtutulak ng isang “people’s initiative” upang kumalap ng milyong-milyong pirma upang amyendahan ang ating konstitusyon sa pamamagitan ng isang Constituent Assembly o Con-Ass.
Kasabay nito, naglabasan ang mga akusasyon na binibili ang pirma ng mga tao at ginagamit ang mga government programs at services gaya ng TUPAD para ipunin ang mga tao at kunin ang kanilang mga lagda. Pinabulaanan naman ito ng ilang mga mambabatas sa Kongreso. Giit nila, walang suhol na nagaganap sa kanilang paglikop ng mga lagda. Sambit pa ng mga ito, limitado lamang sa economic provisions ang nais nilang baguhin sa ating konstitusyon upang palakasin diumano ang ating ekonomiya. At kung paniniwalaan natin sila, wala raw silang balak magsulong ng term extension. Weh! Hindi nga?!?
Sa gitna ng pagpapapirma sa iba’t ibang sulok ng ating bansa, nagulat ang marami ng biglang lumabas sa national TV ang isang political advertisement na hindi lamang nagsusulong ng charter change kundi binabanatan din ang legacy ng 1986 Edsa People Power Revolution. Giit ng TV ad, dahil sa Edsa, nalikha ang 1987 Constitution na nagdulot sa pagka “Edsa pwera” ng foreign investors sa ating bansa at ng maraming Pilipino sa mga batayang panlipunang serbisyo. Bagama’t taliwas sa kasaysayan ang TV ad at tahasan ang kasinungalingan, maganda ang pagkakagawa nito at maaaring makapanlinlang nga mga tao na may mababaw na pagkakaunawa sa Edsa at ating konstitusyon. Bukod dito, ipinapakita ng TV ad ang “ideological objective” ng Cha-Cha. Hindi lamang para sa term extension at pagbenta ng ating ekonomiya sa mga dayuhan, layunin din nito na durugin ng tuluyan ang naratibo ng Edsa at kumpletuhin ang negatibong rebisyon ng ating kasaysayan.
Sa panig naman ng Senado, naghain ng resolution sina Senate President Juan Miguel Zubiri na sinusuportahan ang pag-amend ng economic provisions ng ating Konstitusyon sa pamamagitan ng hiwalay na deliberasyon at pagboto ng House of Representatives at Senado. Ito ay kabaligtaran sa pahayag ni Zubiri noong nakaraang taon na matigas niyang tinututulan ang panukalang charter change. Kamakailan, naglabas ng isang joint statement ang 24 senators na tinututulan nila ang charter change sa pamamagitan ng “people’s initiative” kung saan boboto ang senado kasama ang House of Representatives bilang isang assembliya. Bagama’t ito ay isang magandang development, tama rin ang panawagan ng iba’t ibang grupo na patuloy na maging mapagmatyag. Hindi lantarang anti-chacha si Zubiri at marami sa mga senador. Sa totoo lang, gusto rin nilang sumayaw sa sintonadong tugtugin ng Cha-cha, nais lamang nilang gawin ito ng hiwalay sa Kongreso upang protektahan ang kanilang pwesto, impluwensiya at kapangyarihan.
Marahil ang pinakanakakatawa sa isyu na ito ay ang matigas na pagtutol ng mga Duterte sa Cha-cha.Kung dati ay sila pa mismo ang nagtutulak sa pagbabago ng konstitusyon para diumano isulong ang pederalismo, mas malakas na ekonomiya at ibasura ang partylist system, ngayon, halos sambahin na nila ang kasalukuyang saligang batas. Hindi kaya sila nahihilo sa bilis ng pagpihit nila? Ayon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala raw mali sa 1987 constitution taliwas sa posisyon niya noong siya ay nasa pwesto pa. Ito ay agad na sinusugan nina Vice President Sara Duterte at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte. From charter change pushers, sila ngayon ay mga constitutional protectors na. Eh di wow! Ngunit maliwanag pa sa sikat ng araw ang dahilan sa mabilis na pagpalit ng posisyon ng mga Duterte sa isyu na ito. Ito ay parte ng kanilang malalim na away sa kampo ng mga taga-suporta ni Pangulong Bongbong Marcos, partikular na si House Speaker Martin Romualdez. Kung bubulusok ang Cha-cha, mas lalong liliit na ang tsansa ng mga Duterte na mag-survive politically at makabalik sa kapangyarihan gamit ang 2025 at 2028 elections dahil malamang, wala nang magaganap na halalan. Desperado na ang mga Duterte. Bukod sa banta ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay Digong ngayong taon, noong nakaraang taon, tinanggalan si VP Sara ng kanyang multi-milyong intelligence at confidential funds. Ngayon, si Pulong naman ay tinanggalan ng kanyang P 2 bilyong district fund, at iniwanan na lamang ng P 500 milyon. Hindi lang ito upang patuloy na gipitin ang mga Duterte, kundi para maging ehemplo sa iba pang kongresista na hindi susuporta sa cha-cha.
Ang ating Saligang Batas ay isang buhay na dokumento na dapat na sumasabay sa pagbabago ng panahon at pangangailangan ng mamamayan. Hindi ito perpekto at nangangailangan ng reporma at pagrerebisa. Subalit, hindi dapat pinapayagan ang mga tiwali, kawatan, at sakim sa kapangyarihan na manguna sa pagbabago nito. Hindi rin ito nararapat na madaliin, lalo na para lamang ibenta sa mga dayuhan ang ating mga lupain at ekonomiya, at term extension ng mga politiko. At mas lalong hindi ito napapanahon. Ang kasalukuyang Cha-cha ay isang malaswang sayaw ng mga trapo. Malinaw ang gusto ng mamamayan: ibaba ang inflation, labanan ang katiwalian, magtalaga ng mga mahuhusay na opisyal sa pamahalaan — lalo na ang isang may kakayahang DepEd Secretary — at parusahan ang lahat ng mga extrajudicial killers, simula sa mga Duterte. Hindi na kailangan ang Charter Change para gawin ang mga ito.
The post Sino ba talaga ang naeetsapuwera sa Cha-Cha? first appeared on Abante Tonite.
Source_link