Tila hindi apektado si House Speaker Martin Romualdez sa ingay ng politika ngayon lalo pa’t sa sinasabing bangayan sa pagitan ng Senado at House of Representatives na nag-ugat sa kontrobersiyal na people’s initiative (PI).
Namudmod ng bigas at cash si Speaker Romualdez sa mga residente ng Siquijor kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Aabot sa 26 kilogram na sako ng bigas at tig-P1,000 ang ibinigay sa mga residente.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng Cash and Rice Distribution (CARD) program ni Speaker Romualdez at DSWD.
Sa talumpati ni Speaker Romualdez ay kanyang binigyang-diin na napakahalaga sa lahat ng mga Pilipino ang bigas na pangunahing pagkain nating lahat.
Ang proyektong CARD ay tugon nina Speaker Romualdez at Secretary Gatchalian sa hamon ni Pangulong Bongbong Marcos na dapat ay mapagkalooban ng libreng bigas at tulong pinansiyal ang mga mahihirap na Pilipino.
Aabot sa 3,000 ang beneficiaries kabilang dito ang senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at indigenous people sa nasabing lugar.
Sinabi ni Romualdez na ginawa na ng House of Representatives ang pamamaraan para imbestigahan ang mga hoarder upang mapatatag ang suplay at presyo ng bigas.
Sana ay mapalawak pa ang mga makikinabang sa CARD program na ito upang maraming kababayan natin ang mabigyan ng libreng bigas at tulong pinansiyal sa mga lugar na maraming mahihirap na Pilipino.