Matagal nang nasa programa ng Philippine Ports Authority (PPA) sa ilalim ng liderato ni GM Jay Santiago na alisin na ang maituturing na pinakamatinding abala na dinaranas ng mga pasahero ng mga roro at fastcraft vessels sa tuwing sasapit ang peak season ng sakayan kagaya ng Semana Santa, ang pagbili ng ticket.
Kaya matagal na ring inilinya ni GM Santiago ang paghikayat sa mga passenger at cargo shipping companies na gumagamit ng mga pantalan na nasa pangangasiwa ng PPA na magpatupad na ng online booking sa ticketing.
Sa ganitong sistema, maiiwasan ang pagkabalagoong ng mga pasahero sa mga ticketing booths ng mga shipping companies sa mga bungad ng mga pantalan dahil awtomatikong didiretso na lamang sa mga check-in counters/gates ang mga nakabili na ng ticket via online booking.
Bagama’t nararamdaman ng mga pasahero ang ginhawa sa sistemang ito, matagal na walang imik ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na mother department ng PPA.
Pero nitong ilang nakaraang araw lamang, ganap na ring binasag ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang kanyang pananahimik sa programa ni Santiago at nagsalita na para suportahan o ayudahan ang online ticketing program ng PPA.
“Actually merong ganong proyekto na ginawa ang PPA. Siguro baka kailangan lang i-review and work it with the shipping companies. Kasi maganda yung marami tayong options. Isa yan sa mga options kaya ako sa tingin ko dapat pag-aralan din yan, ituloy yung programa,” klarong banggit ni Bautista sa panayam sa kanya.
Si Bautista, kasama si GM Santiago ay magkasamang nag-inspeksiyon sa Manila Port nitong nakaraang Lunes Santo upang imonitor ang kalagayan ng naturang pantalan na nagsisilbing gateway ng mga biyaherong nagbabarko patungo sa Visayas at Mindanao.
At dahil nga mismong si Bautista na ang nagsalita ng kanyang pagkatig sa naturang programa ni Santiago, hindi malayong tuluyan nang mapag-iwanan ng PPA ang ibang ahensiya ng DOTr na nangangasiwa sa mga bumibiyahe gaya ng MIAA, LTO at LTFRB.
Ang Philippine Coast Guard (PCG) ay masasabing maayos din ang pagganap sa kanilang mga tungkulin kung ikukumpara sa Maritime Industry Authority (MARINA) dahil magpahanggang sa ngayon, hindi pa rin sila makapaglabas ng klarong panuntunan sa mga kondisyon ng mga barkong papayagan na maglayag.
Kaya nga isa lang masasabi ko-nasa tamang direksiyon ang diskarte ni PPA GM Jay Santiago.